Abante Tonite Interactive

Babae tinadtad ng manliligaw sa Bulacan

By
624

Nalagay sa panganib ang buhay ng isang 21-anyos na babae makaraang pagsasaksakin nang mahigit 20 beses ng kanyang masugid na manliligaw nang malaman ng huli na sinagot ng biktima ang kanyang karibal sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakailan.

Base sa report ng pulisya, nakilala ang biktimang si Reina Bea, residente ng nasabing lungsod na kasaluku­yang nakaratay sa pagamutan bunga ng mahigit dalawampung saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan habang tumakas at pinaghahanap ang suspek na nakilalang si Ricky Millete, 30-anyos, binata at nakatira din sa nasabing lungsod.

Nabatid na naganap ang insidente noong Sabado matapos magtungo ang suspek na si Millete sa tinitirhan ng nililigawang si Bea kung saan dito na nalaman na sinagot na nito ang kanyang karibal.

Sa galit at selos ay tinutukan nito ng paltik na kalibre 38 rebolber sa sentido si Bea ngunit hindi ito pumutok kaya’t ginamit nito ang ice pick.

Napag-alamang paulit-ulit na sinaksak ng suspek ang biktima hanggang sa duguan itong bumulagta at sa pag-aakala na napuruhan ang nililigawan ay mabilis itong tumakas dala ang armas.