Abante Tonite Interactive

Babae tumalon sa LRT

537

Nagkaroon ng sugat sa ulo at gasgas sa katawan ang isang 32-anyos na babae na sinasabing tumalon sa riles ng tren ng LRT 1 habang paparating ang bagon sa Doroteo Station kahapon sa Sta. Cruz, Maynila.

Kaagad namang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) pero kalaunan ay inilipat sa Medical Center Manila para sa full medical examination ang biktimang hindi na pinangalanan.

Pormal namang nagpalabas ng pahayag ang Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, at nilinaw na tumalon ang babae at hindi nahulog sa riles dahil nahilo.

Sa statement ng LRMC, nabatid na dakong alas-6:45 ng umaga nang tumalon ang 32-anyos na babaeng pasahero sa riles sa Doroteo Jose station habang paparating na ang northbound train.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng LRMC upang masagip ang pasahero at mailayo sa riles.

Isinailalim rin ang babae sa X-ray, ultrasound at CT scan pero sa initial medical finding ay nagtamo ang biktima ng head lacerations at gasgas dahil sa kanyang ginawa.

Samantala, pinuri naman ng LRMC ang train operator na may presence of mind at naging alisto sa paghila ng emergency break kaya hindi nasagasaan ang babae.

Sanhi naman ng insidente’y pansamantalang naantala ang biyahe ng tren ng 24-minuto bago naibalik na sa normal na operasyon. (Juliet de Loza-Cudia/Armida Rico)