Abante Tonite Interactive

Babae utak ng ecstasy syndicate sa Cebu

215

Isang hindi pa kinikilalang babae ang itinuturong lider ng sindikato na nagpapakalat ng ecstasy sa Cebu.

Lumabas ang impormasyong ito mula sa naging surveillance ng pinagsamang puwersa ng Police Regional Office at Philippine Drug Enforcement Agency.

Ipinakita ng SunStar ang naging koneksyon ng nasabing babae at itinuturing na big boss ng sindikato, sa mga nahuli nang suspek sa lalawigan na itinuro ang iba pang mga sangkot sa distribusyon ng ecstasy.

Labing isa na sa mga suspek naaresto, kabilang na ang inaresto noong Pebrero 4, 2019 na si Kenneth Dong na may kinakaharap nang kaso kaugnay sa P6.4 bilyong shabu smuggling sa Bureau of Customs noong 2017.

Ayon naman sa pulisya, target na bentahan ng ecstasy ang kabataan na nagpupunta sa mga club.

Kaya naman apat na club sa Cebu ang mino-monitor ng mga awtoridad dahil umano sa mga transaksiyon ng iligal na droga dito.

Matatandaan na nasawi ang 19-anyos na si Ashley Abad sa isang party na selebrasyon ng Sinulog Festival noong Enero.

Nakumpirma na ng awtoridad na overdose sa ecstasy ang kinamatay ni Abad. Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay iniutos na ang pag-aresto sa nobyo ng biktima na itinuturong may kaugnayan sa pagkamatay ni Abad.