Abante Tonite Interactive

Babaeng dalaw sa selda kulong sa ‘pan de shabu’

251

Timbog ang isang babae na dadalaw sana sa kaibigang nakakulong matapos madiskubre ng mga pulis na may palamang iligal na droga ang tinapay na ipapasok sana nito sa Lucena City police station Miyerkoles ng gabi.

Nakakulong na rin ngayon ang suspek na si Irene Lat y Madridano, 49, taga-Barangay Malabanban Norte, Candela­ria, Quezon.

Sa report ng Lucena City police, alas-7:30 ng gabi nang madiskubreng may palaman na isang sachet ng shabu ang tinapay na pan de coco na dadalhin sana nito sa isang inmate sa nasabing kulangan na nagngangalang Elizabeth.

Nagduda ang jailer nang mapansin nitong may biyak ang isa mga tinapay na nang kanyang bulatlatin ay tumambad ang plastic ng shabu na tinatayang may bigat na 1.66 na gramo.

Ayon sa suspek, ipinadala lamang umano sa kanya ang tinapay subalit tumanggi naman itong sabihin kung sino ang nagbigay sa kanya. (Ronilo Dagos)