Abante Tonite Interactive

Babaeng tulak, 13 adik nakorner sa Meycauayan

449

Labing-apat na drug suspect kabilang ang 58-anyos na babaeng tulak ang nadakip sa magkasunod na buy-bust operation at drug raid sa Brgy. Caingin, Meycauayan City, Bulacan Biyernes ng hapon.

Base sa report ng tanggapan ni Lt. Col. Bernardo Pagaduan, hepe ng pulisya sa Meycauayan, kinilala ang nasakoteng tulak na si Erlinda Cruz y Siobal alyas `Erlie’, 58-anyos.

Kasamang nasakote ang 13 pa niyang kapitbahay sa Brgy. Caingin.

Nabatid na dakong alas-singko ng hapon ikinasa ang buy-bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit makaraang makatanggap ng impormasyon na may nagaganap na pot session sa lugar ang mga suspek na nagkukunwaring sumusunod sa enhanced community quarantine.

Nakorner sa buy-bust ang tulak na si Cruz bago sunod-sunod na nadakip sa drug raid ang 13 pang suspek na karamihan ay kanyang parokyano sa droga.

Umabot sa 19 pakete ng shabu at mga drug paraphernalia ang nasamsam ng mga awtoridad at nabawi rin ang buy-bust money.

Dinala ang mga suspek sa crime laboratory sa Malolos City upang isailalim sa drug test. (Jun Borlongan)

Tonite – Wendys Inhouse Ad