Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Babakuran ng PNP: Metro Manila bawal na outsider

0 113

Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Joint Task Force COVID Shield na maglatag ng mga quarantine control points sa mga boundary ng NCR Plus upang matiyak na mga Authorized Person Outside of Residence (APOR) lamang ang papayagang makapasok at makalabas, epektibo nitong Linggo ng gabi.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, naglabas na siya ng direktiba kay Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Israel Dickson na simulan na ngayong hatinggabi (August 1) ang paglalagay ng mga quarantine control points sa Metro Manila, Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal, batay sa IATF Resolution No. 130-A.

Aniya, papayagan lamang ng Philippine National Police (PNP) ang mga APOR na makapasok at makalabas kung may IATF ID na inisyu ng mga regulatory agency, o valid ID at dokumento na inisyu ng mga kompanya na pinapayagang makapag-operate sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

Hindi papayagang makapasok o makalabas ang mga hindi otorisadong residente at uutusan ang mga ito na umuwi na lamang sa kanilang tahanan.

Pinaalala rin ng kalihim sa PNP na payagan na makapasok at makalabas sa border ang mga cargo/delivery vehicle, partikular ang mga nagdedeliber ng pagkain.

May kaukulang parusa aniya ang mga lalabag batay sa nakasaad sa Section 9 ng Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.