Abante Tonite Interactive

Babala ng major eruption ng Taal ipinakita sa psychic

458

Mga ka-Misteryo kahindik-hindik na senaryo ng malakas na pagsabog ng Bulkang Taal ang ipinakita sa isang psychic kasabay ang babala na ‘wag maging kampante sa tila pananahimik ngayon ng bulkan.

‘Yan ang ating paksa ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Ipinabatid sa Misteryo ni Rosa ng Quezon City ang kanyang nakita sa panaginip nang dalhin siya sa mismong paanan ng Bulkang Taal.

Kitang-kita ni Rosa ang napakalakas na pagputok ng bulkan dahilan para nasindak siya nang todo at nagsisigaw siya na akala niya ay totoo nang nangyayari at nandun siya sa mismong paanan ng bulkan.

Bukod sa dambuhala at sobrang taas na maitim na usok at abo na may malalakas na pagsabog ang kanyang nasaksihan, ay ipinaki­ta, ipinadama rin sa kanya ang napakalakas na pag-uga ng lupa. Takot na takot si Rosa sa kanyang nakita.

Misteryo: “Para bang andun ka talaga sa paanan ng bulkan dun sa mismong lawa ng Taal? Wala ka bang kasama sa panaginip mo?”

Rosa: “Wala akong nakitang kasama ko kaya lalo akong natakot kasi nag-iisa lang ako. Hindi ko maipaliwanag ang grabeng takot ko. Sobrang lakas ng pagsabog. ‘Yun na ata ang sinasabi nilang major eruption. Ayaw ko mangyari pero na­kita ko. Kitang-kita ko.”

Misteryo: “May nakita ka bang mga namatay sa malakas na pagsabog na ‘yun? Gaano kalawak ang epekto?”

Rosa: “Walang ipinakita sa akin na mga namatay pero nakita ko malawak ang epekto, hindi ko masukat kung gaano kalawak pero takot na takot ako hanggang sa magising ako.”

Misteryo: “‘Yun Lang ba ipinakita sa’yo? May narinig ka bang tinig o anuman habang nasa pa­naginip o sa paggising mo?”

Rosa: “Meron akong nakita paggising ko. Imahe ng letrang P sa mga gusali sa paligid ng bahay namin. Kaya nagtanong ako. ‘P for what?’ Bigla kong na­rinig ‘Pause, Protect, Prepare’ kaya lalo akong nangilabot kasi karugtong ito ng panaginip ko. Kaya sinabi ko sa inyo.”

Ang ganitong mga bisyon sa panaginip ay maituturing na seryo­song babala lalo na at pinangangambahan ang mas mapaminsalang major eruption ng Bulkang Taal. Payo pa ni Rosa kailangang lumikas ang tao, hayop at lahat ng buhay sa pali­gid ng bulkan at magdasal na sana ay ‘wag matuloy ang malakas na pagsabog.

Para sa inyong mga kuwentong karanasan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.