Abante Tonite Interactive

Babala sa mga pasaway! Kabaong binarikada sa checkpoint

0 668

Dalawang kabaong ang inilagay ng mga tanod sa mga checkpoint ng dalawang pangunahing daanan papasok at palabas sa Brgy. Mulawin, Orani, Bataan bilang babala sa mga gumagala pa rin sa kabila ng mahigpit na pakiusap sa kanila ng pamahalaan na manatili na lamang sa tahanan habang umiiral ang enhanced community quarantine.

“Stay Home or Stay Here, COVID-19 is real,” ang nakasulat sa ibabaw ng mga kabaong.

Ayon kay Barangay Captain Marvin dela Cruz, naisip nilang maglagay ng mga totoong kabaong sa mga checkpoint para malinaw na maiparating sa mga residente ang mensahe na kailangan nilang sumunod sa enhanced community quarantine na ipinatupad sa buong Luzon.

Aniya, mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga checkpoint at hindi maaaring dumaan ang mga walang maipakitang quarantine pass.

“Para mapigilan ang pagkalat ng virus dapat manatili na lamang sila sa kanilang mga tahanan para na rin sa kanilang mga pamilya at sa iba pa,” panawagan ni Dela Cruz sa mga kalugar nila.

Hanggang noong Martes ay dalawang kaso na ng COVID-19 ang naitala sa lalawigan ng Bataan.

Batay pa sa pinakahuling ulat, mayroong 5,688 persons under monitoring (PUM) at 364 patient under investigation (PUIs) sa Bataan. (PNA)