Abante Tonite Interactive

Babuyan, manukan sa QC ibabawal na

424

Maglalabas ng ordinansa ang Pamahalaang Lokal ng Quezon City para ipagba­wal na ang pag-aalaga ng mga baboy gayundin ang pagmamanukan sa lahat ng barangay upang hindi na maulit ang African Swine Fever (ASF) outbreak sa kanilang lungsod.

Inihayag ito ng pamahalaang lokal ng lungsod matapos sabihing wala nang bagong positive blood test at pagkamatay ng mga baboy na may kaugnayan sa ASF sa nakalipas na 30 araw kaya itinuturing na napuksa na nila ang nasabing virus.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, kanilang ilalabas ang ordinansa sa Pebrero 2020.

Sinabi naman ni City Vete­rinarian Dra. Ana Cabel na nasabihan na lahat ng mga barangay at pinayagan din ng pamahalaang lokal na ipa-dispose na ang mga backyard piggery at ibenta ang mga alagang baboy ngayong magpa-Pasko.

“Na-meet na natin ang lahat ng barangay and they already know about this proposed ordinance,” ani Cabel.

Tiniyak naman ng pamahalaang lokal na kanilang tutulungan ang mga backyard hograiser na magkaroon ng alternatibong kabuhayan.

Nabatid pa na mahigit 5,000 baboy ang sinunog sa Quezon City mula nang mapaulat ang unang insidente na may kinalaman sa ASF sa Brgy. Bagong Silangan noong Setyembre.

Binayaran umano ang mga hograiser ng tig-P3,000 bilang financial assistance sa kada baboy na kanilang ipinasunog. (Dolly Cabreza)