Abante Tonite Interactive

Baby binenta ng P40K, nasagip

By
182

Arestado ang isang 15-anyos na dalagita gayundin ang kanyang kinakasama at ang nagpakilalang mga magulang ng isang sanggol na may pitong araw pa lamang isinilang pero ibi­nebenta na ng mga suspek sa halagang P40,000.

Ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI) ang entrapment operation laban sa mga hindi pa pinangalanang suspek sa isang fast food restaurant sa Las Piñas City kamakalawa at nagpositibo ito.

Nasagip din ang sanggol na napag-alamang ibinebenta ng 15-anyos na dalagitang suspek sa pamamagitan ng social media, sa halagang P40,000.

Nalaman na ang perang makukuha mula sa pagbebenta ng sanggol ay paghahati-hatian umano ng mga suspek.

Nasa kustodiya na ngayon ng NBI ang mga suspek pero patuloy pa umano ang imbestigasyon ng ahensiya para malaman kung marami ng sanggol ang naibenta ng dalagitang suspek sa social media.

Aalamin din kung sangkot ito sa grupo ng mga nangunguha umano ng bata sa mga ospital para ibenta.

Inamin naman umano ng dalagita sa mga awtoridad na gusto lamang niyang makatulong sa mga nais mag-ampon.

Katuwiran naman umano ng nagpakilalang mga magulang ng sanggol na nais lamang nilang mapabuti ang buhay ng anak kung kaya’t nagawa nila ito.

Sa kabila ng kanilang mga alibi ay sasampahan pa rin sila ng kasong paglabag sa republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against, Abuse, Exploitation and Discrimination Act at kaugnay din sa paglabag sa Cybercrime Prevention Law.