Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Baby inabandona sa nasunog na bahay, tigok

0 205

Patay ang isang 2 taong gulang na bata matapos masunog ang kanilang bahay nang mapabayaan ng nakakatandang kapatid nito ang nilulutong kopra para sa kanilang pananghalian kahapon ng umaga sa Donsol, Sorsogon.

Sadyang hindi na pinangalanan ng awtoridad ang nasawing batang lalaki, residente ng Sitio Mabinit, Barangay Tupas ng nasabing bayan.

Sa ulat ng Donsol Municipal Police Station, naganap ang insidente pasado alas-10:00 ng umaga sa bahay ng magkakapatid na may edad 7, 4, at 2, kung saan naiwan ang mga ito sa kanilang bahay dahil nagtatrabaho ang mga magulang.

Sinubukan umanong magluto ng kopra ng nakakatandang kapatid para sa kanilang tanghalian habang natutulog naman ang 2-anyos na biktima.

SM food to go Banner Ad

Subalit sa hindi pa malinaw na rason ay nadikit sa kahoy ang apoy mula sa pinaglulutuan dahilan upang sumiklab ang sunog.

Dahil gawa lang sa kahoy ang bahay ay mabilis na kumalat ang apoy sa buong kabahayan at nataranta na ang dalawang bata na mabilis lumabas ng kanilang bahay.

Naiwan naman ang natutulog nilang kapatid at huli na upang ito ay maisalba sa pagliyab.

Paalala naman ng awtoridad sa mga magulang na huwag hayaang maiwan ang mga bata na walang kasamang matanda sa bahay upang maiwasan ang mga trahedya katulad nito. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.