Abante Tonite Interactive

Baby tinangay ng yaya

220

Nanlulumo at umiiyak na nagtungo sa tanggapan ng Taguig City Police ang isang ginang matapos tangayin ang kanyang 4-buwang sanggol na babae ng kanyang yaya nitong Miyerkoles.

Sa report ni Police Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, kinilala ang suspek base lamang sa ibinigay nitong pangalan na Kristine Joy Morrera Salik, nasa hustong gulang, taga-Phase 2 Monterey Hills, Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal.

Sa pahayag ng ina ng sanggol na si Princess, nasa hustong gulang, tinangay ng suspek ang kanyang anak bandang ala-una ng hapon.

Natutulog umano siya at mister na si Jerrick dahil kapwa panggabi ang kanilang trabaho nang salisihan sila ng suspek.

Nang mag-report sa barangay hall, nakita sa closed circuit television (CCTV) camera si Salik na karga ang bata sa isang eskinita palayo ng bahay.

Ayon sa ginang, may 7-araw pa lamang na naninilbihan si Salik bilang yaya na nag-apply makaraang mag-post ang ginang sa ilang social media groups na nanga­ngailangan siya ng yaya.

Sa huling report, alas-tres ng hapon nang maibalik din ang sanggol sa pi­ling ng magulang sa tulong ng ‘Wanted sa Radyo’ program ni Raffy Tulfo.

Sa takot umano ni Salik ay humingi siya ng tulong kay Tulfo para maibalik ang alaga. Aniya’y hindi niya dinukot ang sanggol. Sinama lamang aniya ito dahil magpapadala siya ng pera sa mga anak sa probinsya.

“Hindi ko po siya kinidnap, isinama ko po siya dahil natutulog po sila ate at kuya at walang magbabantay sa kanya” pahayag ni Salik.

“Ate sorry po, sorry­ po talaga. Wala po akong balak na masama sa ala­ga ko” pagsusumamo pa nito.

“Gusto ko siyang maturuan ng leksyon” pahayag naman ng ginang. (Armida Rico)