Abante Tonite Interactive

Baby tinusta ng lover ni inay

847

Dahil sa nawawalang pera, brutal na pinaslang saka sinunog ang isang 2-anyos na lalaki ng kanyang ama-amahan, Linggo ng gabi sa bayan ng Maigo, Lanao del Norte.

Kinilala ang nasawing biktima na si Romnick Balde, na halos hindi na makilala sanhi ng grabeng pagkasunog ng bangkay nito.

Arestado naman ang suspek na si Florencio Curay, 55, taga-Purok 7, Brgy. Segapod ng nabatid na bayan.

Sa report ni Police Lt. Baltazar Deguilmo, officer in charge, ng Maigo Police Station, naganap ang krimen alas-otso ng gabi.

Sa imbestigasyon, umuwing lasing dakong alas-singko ng hapon ang suspek.
Nagalit umano ang suspek sa live-in partner nitong si Janet Balde, ina ng biktima, dahil nawawala umano ang itinatago niyang P12,000.00 cash sa loob ng kanilang silid.

Pinagbibintangan ng suspek ang ginang na siyang kumuha bagay na itinanggi ng huli.

Sa galit ng suspek, hinila nito sa damuhan ang mag-ina.

Nakaalpas ang ginang suba­lit naiwan ang 2-anyos na anak kaya agad na humingi ng tulong.

Sa takot namang madamay sa galit ng suspek na kilalang malupit sa tuwing sinusumpong ng sakit sa pag-iisip ay walang lumapit.

Samantala, matapos namang mapatay ang bata ay humiram pa umano ng lighter ang suspek sa isang kapitbahay na siyang ipinansunog sa walang kamuwang-muwang na paslit gamit ang mga tuyong dahon.

Makalipas ang mahigit isang oras ay dumating naman ang mga kagawad subalit ang bangkay ng sunog na bata na lang ang kanilang inabutan. (Edwin Balasa)