Abante Tonite Interactive

Bachelor of Science in eSports

530

Apat na taon na mula nang ilunsad ng Singapore ang isang eSports academy, ang pinakauna sa kanilang bansa at marahil ay pinakauna sa buong mundo.

Inilunsad ang Singapore Cybersports and Online Gaming Association (SCOGA), bilang isang non-profit organization na suportado ng National Youth Council noong Abril 2017.

Kapareha nito ang world’s largest streaming website na Twitch.

Ang akademya ay nagsasagawa ng mga klase para hasain ang mga gamer na nagnanais ­maging professional pati na rin sa iba pang gaming-related fields, kabilang na ang live streaming at shoutcasting, na tampok ang play-by-play at live commentary sa isang gaming session.

Asam naman maisagawa ang katulad na natatanging eskuwelahan o akademya para sa electronic sports sa bansa bagaman walang kongkretong programa o plano ng mga isasagawang kurso at partikular na direksyong tutunguhin para sa pagtatayo at pagbubuo ng akademya.

Hangad ng isang kompanya na mabuo o maipatupad ang pagkakaroon ng curriculum o espesyalisasyon sa mga laro na kikilalanin bilang Bachelor of Science in Electronic Sports.

Gayunman, kumpara sa SCOGA na nakasaad kung paano maisasakatuparan ang programa ay hindi malinaw ang ninanais na tunguhin kung ano ang mga dapat na ituro at isagawang proyekto para mabuo ang akademya.

Napakalawak ng nasasakupan ng electronic sports dahil hindi lamang game design ang pa­ngunahin nitong hangad kundi pati na rin ang pagpapalawak sa mga nadedesenyo nitong laro na kinakailangan ng pagtuturo sa mga aspeto ng operasyon sa pagpapatakbo ng laro gayundin sa broadcasting at pati na rin sa marketing.

Marahil, hindi naman masama na gayahin bilang pasimula ang ipinatupad na programa ng SCOGA upang maitayo ang isang maayos na aka­demya bago na lamang tuluyang palawakin ang iba pang aspeto tungo sa inaasam na makamit ang malalim na balon ng pagkukunan ng ekonomiya sa eSports.