Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Baclaran libre na sa Covid- Olivarez

0 333

Makaraan ang halos walong buwang pandemya, tuluyan nang nalibre sa COVID-19 ang Baclaran na isa sa pinakamataong lugar sa lungsod ng Paranaque.

Sinabi ni Mayor Edwin Olivarez na dahil sa kumprehensibong pagtugon ng lokal na pamahalaan para mapigil ang pagkalat ng virus, wala ng bagong kaso na naitala sa Baclaran kabilang ang Barangay La Huerta, Sto. Niño, at Vitalez.

Noong Lunes nasa 68 ang active case sa Paranaque na halos isang porsiyento ng 7,151 kumpirmadong kaso habang nasa 6,902 o 96.5% ang gumaling. Nasa 181katao ang nasawi.

Sa Barangay Baclaran, nakapagtala ng 361 gumaling mula sa 372 confirmed case simula noong Marso.

Gayunman, nasa 11 katao ang naitalang nasawi ng City Health Office sa nabanggit na barangay na kinaroroonan ng National Shrine of Our Mother of Perpetual Church (Baclaran Church).

SM SuperKidsDay Banner Ad

Noong nakaraang Mayo isinailalim sa 3-araw na ‘calibrated lockdown’ ang 10 kalye sa Baclaran upang maisagawa ang mass testing para matukoy ang mga tinamaan ng COVID-19. Umaabot sa 28, 385 ang populasyon ng lugar.

Sa Barangay La Huerta naitala ang 212 gumaling mula sa 217 kumpirmadong kaso habang 5 katao ang namatay simula noong Marso. Gayunman noong Martes ay zero active case na ang lugar, ayon sa pinakahuling Facebook post ni Mayor Olivarez.

Ayon kay Dr. Darius Sebastian, Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) chief, gumaling na ang 295 mula 301 confirmed case sa Barangay Sto. Niño at wala ng aktibong kaso ng virus sa kasalukuyan habang sa Barangay Vitalez, 115 katao ang nakarekober sa 116 confirmed case at may isang nasawi.

Sinabi pa ni Sebastian na mababa na ang kasong naitatala sa anim pang barangay kabilang ang Marcelo Green, Merville, Saint Martin de Porres at Sun Valley, na kapwa may dalawang active case habang ang Barangay San Dionisio at Don Bosco ay may tatlong COVID- 19 case.

Sa 16 village ng lungsod, ang Barangay Tambo na nasa Coastal Road ang may pinakamataas na kaso ng Covid na nasa 12 habang pito naman sa BF Homes ang pinakamalaking subdivision sa Paranaque.

Patuloy ang panawagan ni Olivarez sa mga medical frontliner at volunteer na susi sa pagbaba ng Covid case sa lungsod na huwag magkampante. Umapela din ito sa mga residente na patuloy na sumunod sa mga health at safety protocol sa kanilang komunidad.

Leave A Reply

Your email address will not be published.