Abante Tonite Interactive

Bacolod: Mga home-based worker gagawa ng face mask

370

Plano ng pamahalaang lungsod ng Bacolod na magpagawa ng 50,000 face mask para mabigyan din ng kabuhayan ang mga home-based worker.

Inatasan na ni Mayor Evelio Leonardia ang Cooperative and Livelihood Development Office (CCLDO) para magsagawa ng livelihood program kung saan papayagan ang mga accredited home-based worker na gumawa ng mga washable/reusable face mask.

Ang inisyal na target ay 50,00o piraso subalit maaaring dagdagan pa ito at gawing 100,000 kapag maraming mananahi ang sumali sa programa, ayon kay Leonardia.

Bibigyan ang mga mananahi ng pre-cut materials na base sa inaprubahang disenyo ng Department of Health (DOH) at babayaran sila ng P10 para sa bawat isang piraso ng matatahing face mask na kanilang isusumite sa CCLDO.

Bagamat hindi aniya medical-grade face mask ang kanilang gagawin, makatutulong naman ang programa ng CCLDO para madagdagan ang supply ng commercially-sold facial mask na malapit nang maubos.

Magsasagawa rin ng inspeksyon ang City Health Office sa mga home worksite bago payagang sumali ang mga mananahi sa livelihood program.

Ipadadala naman ang mga finished product sa Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) para sa centralized disinfection at packing bago ipamahagi sa mga medical frontliner sa kanilang siyudad.

Bibigyan din ng mga face mask ang Corazn Locsin Montelibano Memorial Region Hospital, mga city at barangay health worker, mga emergency responder, quarantine center, mga tauhan ng Philippine National Police, at mga nagmamando sa mga checkpoint, gayundin ang mga nagsasagawa ng contact tracing at iba pang grupo na tutukuyin ng City Health Office at ng DRRMO.

Ang mga interesadong sumali sa proyektong ito ay kinakailangang may sewing machine sa kanilang bahay at pinayuhang makipag-ugnayan kay CCLDO head Brenda Burdeos. (Prince Golez)

Tonite – Wendys Inhouse Ad