Abante Tonite Interactive

Bagets actor ‘di na mabenta sa show

1,049

MAHIRAP daw importahin sa mga shows sa malalayong probinsiya ang isang young male personality. Napakarami pala kasing hinihinging kundisyon ng kanyang kampo.

Bukod sa hotel na kanyang tutuluyan, pati sa mga pagkaing ihahanda para sa kanya, ay meron pang kundisyon ang mga namamahala sa kanyang career bago tanggapin ang alok.

Kuwento ng isang source, “Napakalaki ng talent fee niya. Presyo na ‘yun ng isang bahay. Pero dahil siya nga ang hinihingi ng taumbayan, e, pinagkakagastusan talaga siya ng place.

“Marami silang hinihingi. Kapag nasa hotel na siya, e, walang puwedeng umistorbo sa young male personality. Magpapahinga kasi siya dahil napagod sa mahabang biyahe.

“Kapag malapit na ang show, e, kailangang nakatutok ang nguso ng van sa backstage, kapag tinawag na ang name niya, ilang hakbang lang dapat, e, nasa stage na siya, ganu’n!

“Hindi siya maglalakad papuntang stage, pagkakaguluhan kasi siya, kaya nasa backstage na ang van agad-agad. Nakaumang na sa stage,” napapailing na kuwento ng impormante.

‘Yun pala ang dahilan kung bakit hindi na masyadong mabenta ngayon sa mga provincial shows ang bagets actor. Lalo na sa mga piyestahan, walang kumukuha sa kanya, napaka-towering naman kasi ng kanyang talent fee.

Patuloy ng aming source, “Kasi, kung ano lang ang pinagkasunduan, e, hanggang du’n lang ang performance niya. Kung three songs lang, hanggang du’n lang talaga ‘yun, walang bonus spot number.

“Hindi tulad ng ibang singers na sikat din naman, napapakiusapan sila kapag nagmo-more pa ang audience. Kumakanta pa rin sila kahit pa wala na ‘yun sa usapan.

“Kung pa-concert namang may ticket selling ang tinatanggap niya, nalulugi ang mga producers, hindi kasi kayang bawiin sa sponsors at ticket sales lang ang napakataas niyang talent fee!

“Lalo na kapag sila ng ka-love team niya ang kukunin, naku po! Pampatayo na ng isang magarbong house ang pinagsama nilang talent fee!

“E, ‘yun at ‘yun din naman ang drama nila sa stage, magtitinginan lang sila, mag-aakbayan, magpapakilig sa audience! Ramdam na nila ngayon ang katumalan nila sa mga provincial shows, bilang na bilang na lang ang kumukuha sa kanila!” madiin pang pagtatapos ng aming source.

Pero sa mundo ng pulitika ay may hatid ang tambalang ito. Walang nananalo sa mga pulitikong sila ang nag-eendorso.

Mark napahamak kay Carlos

WALA na talagang ligtas ngayon sa social media. Kapag napag-initan ng mga bashers ang isang personalidad ay wala siyang pamimilian kundi dalawang bagay lang.

Ang sumagot siya at idepensa ang kanyang sarili o ang manahimik na lang dahil mamamatay rin naman nang kusa ang isyu.

May mga artistang mahilig kumain ng patola. Hindi sila makapapayag na basta na lang sila i-bash nang i-bash, kailangan nilang lumaban, kung minsan nga ay mas matulis pa ang tubo ng kanilang dila sa pagsagot. Umaabot ‘yun sa body shaming.

Pinupuri ng mga kababayan natin ang mga artistang hindi palapatol sa bashing. Tama lang daw ‘yun, dahil mauubos lang ang kanilang oras sa pagsagot, hanggang sa napababayaan na nila ang trabahong dapat ay prayoridad nila.

Si Mark Bautista ang nakababad ngayon sa kumukulong tubig. Bilang isang Pilipino ay masayang-masaya lang naman ang singer sa pananalo ng gintong medalya ng ating mga atleta.

Si Carlos Edriel Yulo ng gymnastics ang napili niyang batiin. Napakagaling naman kasi talaga ng punggukin nating manlalaro, patuloy itong nagbibigay ng karangalan sa ating bansa, kaya bumati sa kanya si Mark Bautista.

PM ‘yun, silang dalawa lang dapat ang magkakomunikasyon, pero sa sobrang tuwa ni Carlos ay inilantad nito sa kanyang account ang pagbati sa kanya ni Mark.

Du’n na nagsimula ang malisya, ang dami-dami raw namang atlentang Pinoy na nananalo ng gintong medalya, pero bakit si Carlos Yulo lang ang sinentruhan ng pagbati ni Mark?

Flirting na agad ang malisyang ikinambal ng mga bashers sa pagbati ni Mark kay Carlos, nagpapansin daw ang singer, nilalandi-landi ang matagumpay na atleta.

Sabi nga ng aming anak-anakang si Japs Gersin, “Dapat kasi, magko-congratulate ka na rin lang, e, huwag mo nang i-PM-PM para walang malisya!

“At ‘yun namang pinadalhan ng PM, huwag nang i-public pa ang mensaheng pang-private lang! Kundi ba naman kasi mahadera rin!” konklusyon ni Gerry Gersin.

Ha! Ha! Ha! Ha!