Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bagets actor inayawan ang isang network

0 160

May grupo na ng mga tagahanga ngayon ang isang baguhang male personality na mula sa isang showbiz royalty. Nabigyan kasi siya ng isang magandang papel sa isang serye na kasalukuyan pang ipinalalabas.

Guwapo naman ang baguhan, marunong na rin siyang umarte kahit kabibinyag pa lang ng kanyang talento sa seryeng tumatakbo pa hanggang ngayon, may pupuntahan siya ayon sa mga nakakapood sa kanyang pagganap.

Pag-alala ng isang source, “Naku, may kuwento tungkol sa bagets na ‘yun! Nu’ng pinaplano na niyang mag-artista talaga, e, kinontak ng isang kapamilya niya ang isang manager.

“Natural, humihingi ng tulong sa manager ang tumawag. Kailangan nila ng tulong ng anak niyang mag-aartista na nga raw. So, ang unang pumasok sa isip ng manager, e, ang dalhin siya sa isang malaking network,” pag-alala ng aming impormante.

Pinag-usapan nila ang plano, walang problema, bukas naman ang pintuan ng network para sa mga alaga ng kilalang manager. Pero nagkaroon ng problema.

Patuloy ng aming source, “Nu’ng malaman ng bagets kung saang network siya dadalhin ng manager, e, umayaw siya! Bakit daw du’n? Hindi raw kilala ang mga artista ng network na ‘yun?

“Saka ang liliit daw ng mga artista ng network, e, ang tangkad niya? Sino raw ang makakatambal niya du’n sa network na ‘yun? Choosy ang bagets, ayaw niya talaga sa network na gustong pagdalhan sa kanya ng manager!

“So, hindi natuloy ang mga plano nila, umayaw na rin ang manager na tulungan ang bagets, dahil sa umpisa pa nga lang, e, marami na siyang kung anu-anong reklamo!

“Paano pa kapag nagtagal ang trabaho nila? Baka sa galit ng manager, e, siya mismo ang magkuwento sa social media kung gaano kasuplado ang bagets na alaga niya?

“Hanggang sa nakapasok na nga ang bagets sa kabilang network. Kilala raw kasi ang mga stars ng network na ‘yun! Meron na siyang project, maganda ang exposure niya du’n sa serye, malalaking artista ang mga kasama niya.

“Guwapo rin siya katulad ng father niya, mas magaling lang umarte ang tatay niya, marami pang kailangang matutuhan ang bagets. Pero kinakikiligan na siya ngayon, ha?

“May connection sa kulay ang name ng bagets, madaling hulaan kung sino siya,” pagtatapos ng aming source.

Vice inokray dati ang TV5

Sa ikinagulat ng mga kababayan nating paglipat ng apat na programa ng ABS-CBN sa TV5 pagkatapos ng dalawang nauna ay si Vice Ganda na naman ang napagdiskitahan ng mga netizens sa social media.

Muling binalikan ng mga netizens, lalo na ng mga bashers, ang mga pautang na salita ng komedyante nu’ng namamayagpag pa ang kanilang istasyon at hindi pa tinatanggalan ng lisensiya-prangkisa.

Guest nu’n ni Vice Ganda si Alex Gonzaga sa kanyang programang GGV, sa kanilang tanungan-sagutan ay pinintasan ni Vice ang mga isinusuot na damit ni Alex nu’ng nasa TV5 pa ang aktres, matindi ang kasunod na sinabi ng gay TV host.

“Hindi bale, wala namang nanonood sa station n’yo!” ang pataklesang pahayag ni Vice na itinawa naman nang malakas ni Alex.

Ngayong naglilipatan na ang mga shows ng Dos sa TV5 ay ‘yun ang senaryong isinusumbat ng mga kababayan natin ngayon laban kay Vice Ganda.

Ano raw kaya ang nararamdaman niya ngayong nagpupuntahan na sa TV5 ang mga artista ng ABS-CBN at ngayong napapanood na rin ang kanilang mga programa sa TV5?

“Kainin mo ngayon pabalik ang mga isinuka mo!” matapang pang komento ng isang netizen. At marami pang ibang komentong negatibo tungkol kay Vice Ganda.

Ang leksiyon ng buhay—huwag nagsasalita nang tapos. Baka kasi ang nilalait-minamaliit mo noon ang siya pang maghahagis sa iyo ng salbabidang may hangin para ka makaligtas sa pagkalunod.

Leave A Reply

Your email address will not be published.