Abante Tonite Interactive

Bagets at yuppies nawiwili sa LSP

By
7

Kinagalak ng Philippine Sports Commission ang pagtaas ng bilang ng mga kabataan at young professionals o yuppies na sumasama sa kani-kanilang magulang sa grassroots sports development at family oriented program Laro’t-Saya sa Parke, PLAY ‘N LEARN sa iba’t ibang lugar.

Sinabi kahapon ni PSC-LSP area coordinator Julia Llanto na mas maraming bata edad anim na taon pababa pati ama ng tahanan ang madalas sumasama ngayon para makilaro at makisaya sa iba’t ibang sports na libreng itinuturo sa programa ng government sports agency.

“Huwag lamang talaga uulanin, marami nang mga bata, pati na kada­lagahan at kabinataan ang nakikilaro at sumasali sa iba’t ibang sports na libreng itinuturo sa program at most especially nag-e-enjoy sila sa pagsali sa ating popular na pagsasayaw ng zumba,” ani Llanto, ang dating PSC board secretary.

Nitong Linggo, may 756 ang naki-LSP sa Luneta na ang 500 ay nag-zumba, 53 ang nag-volleyball, 52 ang nag-football, 49 ang nag-badminton, 26 ang nag-lawn tennis, tig-20 ang nagkaratedo at chess, 11 ang nag-arnis at walo ang senior citizens.

Sa kasabayang LSP sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan, 362 ang bumahagi – 216 sa zumba, 43 sa badminton, 42 sa volleyball, 24 sa arnis, 17 sa taekwondo, 11 sa soccer, at siyam ang senior citizens.

At nung Sabado sa LSP sa Circle sa Quezon City, 469 ang lumahok: 396 sa zumba, 37 sa chess, 14 sa football, 13 senior citizens at siyam sa badminton.