Abante Tonite Interactive

Bagitong Perkins, Phoenix pinundi ang TNT

By
434

Balik sa win-column ang Phoenix nang pagdiskitahang sagasaan ang TNT KaTropa, 112-82, sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Sobra-sobrang bawi pa mula sa 108-97 loss sa Alaska noong Miyerkoles, angat sa 2-1 ang Fuel Masters kaakbay ang NLEX sa fourth spot ng PBA Governors Cup.

Tuloy naman ang ba­ngungot ng Texters na nabaon pa lalo sa 1-4.

Sa 7-4 lang lumamang ang KaTropa, nang mabi­tawan ang manibela ay hindi na nabawi.

“Big bounce-back for us,” bulalas ni coach Loui­e Alas. “I told them this is the first time that we bounced back ng sobra-sobra. Kaya ‘yung talo natin sa Alaska, wala na ‘yun. Sobrang compensated na.”

Nagsumite si Jason Perkins ng 22 points para pangunahan ang apat pang Fuel Masters na nagsumite ng 12 pataas.

Nilista ni Perkins ang 10 points niya sa second nang kumalas ang Phoenix tungo sa dambuhala nang 61-31 lead sa break.

Mula roon, hindi na nakapalag ang Texters na naiwan ng hanggang 100-59 sa bukana ng fourth.

Si Eugene Phelps na madalas binababad ni Alas ng 40 minutes, hindi na ipinasok sa final period pero tumapos pa rin ng 15 points, 11 rebounds at four assists.

Umayuda si Matthew Wright ng 16 points mula sa 3 for 5 shooting sa 3-point range at may 6 feeds. May 13 din si RJ Jazul, matikas na double-double na 12 points, 13 rebounds si Calvin Abueva na may sahog pang four assists at three blocks.