Abante Tonite Interactive

Bagong Anti-Hazing Law dinagdagan ng pangil

By ,
1,235

Nilagdaan na ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11053 na nag-aamyenda at nagpalakas sa Republic Act 8049 o ang batas na nagbabawal sa hazing at regulasyon ng initiation rites sa mga fraternity, sorority at iba pang organisasyon sa paaralan, kabilang na ang citizens military training at army military training.

Ang batas na tatawaging Anti-Hazing Act of 2018, na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Hunyo 29, 2018, ay nagpapataw ng parusang habambuhay na pagkakulong at multang P3 milyon sa sinumang direktang sangkot sa krimen na nagresulta sa pagkamatay, rape, so­domy, mutilation o pagkakaputol ng alin mang bahagi ng katawan ng biktima ang hazing.

Isinasaad sa batas na tanging initiation rites na hindi maituturing na hazing ang pinapayagan pero kailangang humingi ng permiso sa mga school authority, pitong araw bago gawin ang initiation rite, at hindi dapat lumagpas ng tatlong araw ang gagawing initiation rite sa mga bagong miyembro ng fraternity, sorority o anomang organisasyon.

Nanawagan naman si Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy sa mga awtoridad na istriktong ipatupad ang Anti-Hazing Law upang hindi masayang ang pagsasabatas nito.