Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bagong GABMMC hi-tech machine , handog sa mga Batang Maynila

0 204

Ako ay kapwa nagagalak at buong pagmamalaking naghahayag na kami sa lungsod ng Maynila ay mayroon na ngayong bagong high-tech CT scan machine na maaring makakita ng mga komplikadong kondisyon gaya ng sa utak at baga kasama na din ang mga impeksyong dulot ng COVID-19.

Ang mas magandang balita ay libre itong mapakikinabangan ng mga Batang Maynila.

Nito lang nakaraang Miyerkules, kasama ko ang walang pagod ko ring Vice Mayor na si Honey Lacuna, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) Director Dr. Ted Martin at GABMMC radiology at X-ray department head Dr. Roy Vizcarra sa pagpapasinaya ngaming bagong-biling GE Revolution EVO 128 slices CT scan machine mula Japan.

Ito ay regalo ng lungsod para sa mga mahihirap na residente na di abo tang mataas na gastusing ng CT scans sa mga panahong ito. May mga nagsabi sa akin na ang halaga ng brain CT scan sa mga pribadong ospital ay mula P15,000 hanggang P25,000.

Ang aming bagong CT scan machine ay mayroong mataas na resolution at talaga namang pinakamagaling pagdating sa kalidad at kakayanan.Ultimong si Dr. Martin ay nagpapatunay nito.

Ang nasabing makina ay kayang-kayang makapag-identify ng mga brain conditions gaya ng stroke, aneurysm, brain tumor, meningitis, encephalitis at even COVID-related brain infections.

Maari din nitong ma-detect nang maaga ang heart attacks at liver cancer, stomach intestinal cancer at lahat ng uri ng bukol sa tiyan, pati na din lung cancer, pulmonary embolism, COVID lung conditions at clear picture ng COVID pneumonia (Ground Glass appearance).

Kelan lang, nakalulungkot na bagamat ang Tondo 1 ay ikalawa lamang sa Sampaloc sa dami ng COVID-19 cases, nilagpasan naman nito ang Sampaloc sa dami ng mga namamatay sa COVID.

Inaasahan naming makatutulong ang nasabing bagong makina sa mga taga-Tondo.

Ang GABMMC kung saan naroon ang bagong makinang ito at pinamumunuan ni Dr. Martin ay isa sa anim na ospital na pinatatakbo ng Maynila. Ito ay nagsisilbi sa mga residente ng Maynila mula sa unang distrito ng lungsod bagamat tumatanggap din ito ng mga referrals mula sa ibang ospital ng lungsod kung kinakailangan.

Nabanggit rin lamang ang mga ospital, ang Maynila ay kasalukuyang kumukuha ng mga karagdagang doctors, nurses at iba pang health practitioners sa layong palakasin ang aming healthcare system sa gitna ng pandemya.

Sa mga nakaraang linggo, 70 newly-hired personnel na kinabibilangan ng doctors, nurses at medical technologists ang aking pinirmahan upang palakasin ang bilang ng aming medical frontliners at mabawasan ang ‘load’ ng mga kasalukuyang naglilingkod sa aming mga ospital.

Hindi kami titigil sa pagkuha ng mga karapat-dapat dahil walang duda na talagang ang aming mga hospital staff at health workers ay ‘overworked’ o pagal na sa trabaho.

Nais naming gumaan ang trabaho nila sa pamamagitan ng mas maluwag na ‘shifting’ lalo na sa bahagi ng mga doktor. Lahat sila ay pagod pero walang gustong sumuko at dahil diyan, talaga namang lubos ang aking pasasalamat sa kanilang dedikasyon.

Habang ang lungsod ay patuloy na kumukuha ng aplikante, nananawagan din ako sa mga interesado na tiyaking handa silang magpasensiya sa mga pasyente.

Ngayon pa lamang ay nais kong malaman ng mga aplikante na ang serbisyo publiko ay puno ng hamon at sakripisyo at ang publiko ay umaasa ng lubos na pasensiya at pang-unawa mula sa lungsod.

Sana, bago kayo pumasok sa public service, pinauuna ko na, mahirap maglingkod sa taumbayan dahil umaasa sila ng mahabang pang-unawa. Di pwede nakasimangot, bumubulyaw o mapikon dahil tayo ay pagod na dahil mas pagod ang taumbayan emotionally, psychologically at physically at higit sa lahat, economically.

Bago mag-apply, itanong ninyo sa inyong sarili kung handa ba kayong maglingkod sa bayan dahil ang tao ay tanging sa gobyerno na lamang umaasa sa ngayon at di natin sila dapat biguin.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.