Abante Tonite Interactive

Bagong investment scam sa GenSan kinakalkal ng NBI

0 157

Sinisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa pa umanong investment scam na ilang buwan na rin nag-o-ope­rate sa General Santos City at mga karatig lugar nito.

Ayon kay NBI Sarangani District Office Special Investigator III Jeffrey Mosqueda, nangangalap na sila ng mga ebidensiya laban sa diumano’y mga founder at opisyal ng Community Volunteer for Life Improvement (Covli), na da­ting nakabase sa Brgy. City Heights sa nasabing lungsod.

Sabi ni Mosqueda, daan-daang mga resi­dente diumano ang naloko ng grupo sa kanilang iligal na investment scheme na bumagsak noong nakaraang buwan.
Isinasailalim na rin aniya nila sa pro­seso ang mga rekla­mong isinampa ng ilang nabiktima ng grupo.

Batay aniya sa mga biktima, hinikayat sila ng Covli na mag-invest ng kanilang pera kapalit ng buwanang interes na 60 porsiyento.

Pero ilang buwan lang nag-operate ang grupo at hindi nito naibigay ang pinangako sa mga nabiktima. Hindi na rin malaman kung ano na ang nangyari sa perang inilagak sa kanila ng mga biktima at kung nasaan na ang ilan sa mga foun­der ng grupo.

Samantala, sa pa­nayam ng mga reporter, sinabi ng isa sa mga umano’y foun­der ng grupo na si Malou Ma na sinuspinde nila ang operasyon ng Covli simula pa noong nakaraang linggo pero hindi nito inihayag ang dahilan bagama’t iginiit na inaayos nila ang kanilang sistema at iba­balik din ang pera ng mga investor.

Sabi ni Mosqueda, inaalam pa nila kung gaano kalawak ang operasyon ng Covli pero ang isa umanong ahente o lider ng grupo ay nangongolekta ng aabot sa P10.5 mil­yon mula sa mahigit 200 investor nila.

“We are really surprised with the emergency of this new scam as we thought the people already learned from what happened these past months,” ani Mosqueda.

Ang tinutukoy ni Mosqueda ay ang libo-libong residente na nabiktima ng investment scam matapos mapaniwala na babayaran sila ng interest na 30 hanggang 400 porsiyento kada buwan.

Noong Oktubre ay lumabas sa pag-iim­bestiga ng city council na may mga residente sa Sarangani at mga karatig lugar ang nawalan ng aabot sa P2.25 bilyon dahil sa iba’t ibang investment scam na naglipana sa kanilang lugar. (PNA)