Abante Tonite Interactive

Bagong modus ng sindikato: Cocaine sinisisid sa dagat

766

May bagong estilo ang mga drug syndicate sa pagpuslit ng kanilang kontrabando partikular sa mga pinalutang na cocaine sa karagatan na hindi agad-agad nakukuha.

Ibinunyag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino sa briefing sa Malacañang na binabantayan nila ngayon ang mga Chinese-looking diver sa Bicol o Region 5 at Caraga region partikular sa mga lugar na may nadidiskubreng cocaine sa karagatan.

Ayon kay Aquino, ginawang transhipment point ng mga sindikato ang Pilipinas ng mga droga na galing sa Columbia at Peru na dinadala naman sa China, Japan at Australia.

“We are now conduc­ting investigations kasi maraming nakikita ta­yong Chinese-looking persons na nagda-dive, nagko-conduct ng di­ving diyan sa mga areas na ‘yan, kung saan iyong mga discoveries ng cocaine pero hindi naman diving site. So this is happening mostly in Region V and Caraga region,” ani Aquino.

Ayon pa sa PDEA chief, ibinabagsak ng ma­laking barko ang mga cocaine sa karagatan na kinukuha naman ng maliliit na mga bangka, subalit dahil malakas ang agos ng tubig hindi lahat nakukuha kahit pa ginamitan ang mga ito ng GPS o homing device.

Dahil dito, sinisisid ng mga miyembro ng sindikato ang mga hindi nakukuhang cocaine sa ilalim ng karagatan.

Naniniwala si Aquino na mayroong contact ang mga sindikato sa bansa kaya ito ngayon ang tinututukan ng kanilang im­bestigasyon.

“We are asking the help of our Coast Guard, ng Navy at ang Maritime police to help us, of course, to guard our vast coastlines,” dagdag pa ni Aquino. (Aileen Taliping)