Abante Tonite Interactive

Bagong mukha ng Maynila sana tuloy-tuloy na

483

Agaw-pansin ngayon sa publiko ang mga nakikitang pagbabago sa Lungsod ng Maynila matapos magsimulang manungkulan ang mga bagong opisyal ng Manila City government sa pangungun a ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domogoso.

Usap-usapan hindi lang sa social media kundi sa mga pondahan din ang sini­mulang paglilinis sa Divisoria na dati ay hindi madaanan ng mga pampublikong sasakyan dahil sinakop ng illegal vendors ang buong kahabaan ng kalsada, pati na rin ang Carriedo at ang Sta. Cruz area.

Ayon sa alkalde, umpisa pa lamang ito ng pagbabago para maibalik ang dating kinang ng Lungsod ng Maynila.

Hindi maitatangging napabayaan at nasalaula nang husto ang lungsod dahil sa hindi maayos na pangangasiwa ng mga nagdaang alkalde.

Naging bulag ang mga dating opisyal sa pagkabulok ng lungsod at hinayaan itong masira at pumangit ng husto.

Katunayan, naging obserbasyon na ng mga turista, lokal man at dayuhan na ang Lungsod ng Maynila ay “dug­yot”, “mabaho, amoy patay” at hindi ligtas pasyalan dahil sa problema ng kapaba­yaan at peace and order.

Malaking hamon sa bagong magpapatakbo sa Lungsod ng Maynila ang problema sa basura, illegal parking, pati na illegal vendors na magpipilit pa ring magtinda sa mga lugar na hindi dapat.

Isama na rin dito ang mga tiwaling kawani ng city hall, traffic enforcers na napipilitang gumawa ng mali dahil sa naiipit na sahod.

Kung seryoso si Mayo­r Isko sa pagbabago ay unahin ang city hall at traffic unit ng Lungsod ng Maynila dahil marami sa mga ito ang matindi ang paggawa ng kalokohan lalo na noong nakalipas na administrasyon.

Huwag din kalimutan sa prayoridad ang mga kapitan ng barangay na inutil dahil hindi kayang ayusin ang kanilang lugar sa illegal parking ng mga tricycle, pribadong sasakyan at mga turo turo na lumagpas na sa bangketa kaya naging one way na lang ang dati ay two way na daanan ng mga sasakyan. Isa na dito ang Arlegui na notorious sa illegal parking. Take note mayor, mas matapang pa ang mga ito kapag nasisita.

Sana totohanin ang banta nito na poposasan ang barangay chairman na mapapatunayang inutil dahil tiyak na marami ang mapoposasan dahil sa kapabayaan.

Nagmamasid ang publiko at babantayan kung magtutuloy-tuloy ang mga gagawing pagbabago sa Lungsod ng Maynila o kung ito ba ay sa umpisa lang at kalaunan ay lalaylay din.

Sana huwag biguin ang pag-asa ng mga taga-Lungsod ng Maynila!