Abante Tonite Interactive

Bagong mukha, parehong tadhana

265

MARKADO
Ray Mark Patriarca

Nagsimula nitong nagdaang Linggo inaabangang mga aksiyon sa Season 95 ng National Collegiate Athletic Association o mas kilala bilang NCAA.

Ilang mga star ng liga ang nagpapakitang-gilas na sa pros, iniwanan ang kanilang mga koponan, ngunit ‘di ibig sabihin nito ay nag-iba na ang hype sa NCAA dahil ilang tropa pa rin ang nananatiling matitikas.

Unahin natin ang defending champions San Beda Red Lions, na ‘di naman nawawala sa tuktok dahil sa magandang sistema ng koponan.

Nawala man ang dalawang top scorer na sina Robert Bolick at Javee Mocon, ‘di pa rin malabo ang tsansa ng mga bataan ni coach Boyet Fernandez sa 4-peat.

Salang pa rin sa koponan sa huling season ang Cameroonian big man na si Donald Tankoua, kahit pa maraming offer sa abroad ay mas piniling laruin ang huling tsansa sa kampeonato.

Salang din ang bagong binyag na ‘Bandana Bros’ nina James Canlas at Evan Nelle, na si-nimulan na ang tandem sa combined 19 points kontra Arellano.
Bukod pa sa San Beda, inaabangan din ang last year’s runners-up na Lyceum Pirates.

Wala nang CJ Perez at Jesper Ayaay na sasandigan ang LPU, ngunit may kambal pwersa namang humahagupit sa mga pirata.

Spasiklab agad sa kanilang unang laro nga-yong taon ang magkambal na sina Jayvee at Jaycee Marcelino, gumawa ng 18 at 24 puntos, ayon sa pagkakasunod sa laban sa Letran.

‘Di naman dapat ipagwalang bahala ang Letran, na papangunahan ng kanilang inspiradong team captain na si Jerrick Balanza.

Matapos sumalang sa surgery dahil sa brain tumor, balik sa 100 percent ang kondisyon ng basketbolista na ngayon ay huhugatan ng lakas ng Knights.

Isa pa sa posibleng kumumpleto sa Final Four ay ang San Sebastian na iaahon ng duo nina RK Ilagan at Allyn Bulanadi, na nagtamo ng dislocated shoulder sa PBA D-League semis.

‘Di pa rin nag-iiba ang powerhouse teams sa NCAA, nasa ibang koponan na ang bola para manorpresa at patunayan na ‘sila naman’.