Abante Tonite Interactive

Bagong NCRPO chief subok na sa aksiyon at serbisyo

By
1,449

Nagpatupad ng malawakang pagbalasa ang pinuno ng Phi­lippine National Police (PNP) na nagresulta upang malipat ang marami sa kanilang assignment.

Isang malaking hamon ngayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar bilang bagong hepe ng PNP-NCRPO na siyang nakasasaklaw sa buong Metro Manila.

Marahil ay ang magandang performance ni Chief Supt. Eleazar sa kanyang pamumuno bilang QCPD director ang isa sa basehan ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde kung kaya nalipat ng ito ng puwesto.

Nasubukan na sa aksiyon at maayos na serbisyo si Eleazar kaya naman ay iniatang sa kanyang balikat ang mas mabigat ng tungkulin at ito ay ang pangangasiwa sa seguridad ng buong Metro Manila.

Noong si Alba­yalde ay hepe pa ng NCRPO ay maganda na ang kooperasyon nila at tulungan nila ni Eleazar kaya nang mamuno sa PNP ay heto na ang naging diskarte.

Kung magpapatuloy ang masigla at masipag na trabaho ni Eleazar at magtagumpay bilang NCRPO chief ay hindi malayong maihilera ito sa mga posibleng susunod na hepe mismo ng PNP kapag nagretiro na si Alba­yalde.

Ang mainam kay Elea­zar ay madali itong malapitan ng publiko at agad umaaksiyon sa sumbong at mabilis ding nakatutok sa pagresolba sa mga kaso.

Bukod pa sa madaling makontak ng taga-media si Eleazar sa mga interbyu upang maging malinaw sa publiko ang anumang operasyon at patakaran ng PNP sa bawat isyu.

Abangan natin ang pagbabantay ni Eleazar sa performance ng bawat district director at station comman­der ng PNP sa buong Metro Manila at isa itong senyales upang mas maging panatag ang mga taga-Metro Manila.

Masusubukan din ang kakayahan ni Eleazar sa ganitong malaking hamon sa kanyang tungkulin sa taumbayan.