Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bagong ospital, face-to-face class at bakunahan ng mga bata sa Maynila

0 122

Gaya ng dati, naging abala ang lungsod ng Maynila sa dami ng aktibidad na kinatampukan ng tatlong “major activities.”

Una rito nang pangunahan naming personal ni Vice Mayor Honey Lacuna ang groundbreaking ceremony sa lugar na kinatitirikan ng President Corazon Aquino Baseco Health Center, pati na din ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga nabiktima ng sunog sa Baseco kelan lamang.

Sa nasabing lugar itatayo ang tatawaging President Corazon Aquino Health Center, isang tatlong palapag, fully-operational general hospital na may 50-bed capacity, upang higit na mapaglingkuran ang may daang libong residente doon. Ito ang magiging ika-walong ospital ng lungsod, dahil ang ikapito ay ang Manila COVID-19 Field Hospital.

Naroon din para samahan kami ni Vice Mayor Honey sina third district Congressman Yul Servo, Councilor Irwin Tieng, city engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris at city electrician Randy Sadac.

Para sa mga nagtataka kung bakit ang itatayong ospital ay ipapangalan sa yumaong President Cory, ito ay bilang respeto sa kanya at kay Mayor Fred Lim, na siyang nagpatayo ng nasabing health center noong siya ay alkalde, bilang pag-alaala sa nasabing Pangulo.

Hindi namin babaguhin ang pangalang ibinigay ni Mayor Lim sa health center dahil hindi kami ang uri ng serbisyo-publiko na nakagawian nang burahin ang nagawa, kredito o alaala ng mga naunang opisyal sa kanila, sa pamamagitan ng paggiba ng mga proyekto at pagpapalit ng pangalan.

Ayoko na pagpalit ng administrasyon, buburahin na lang ang mga proyekto. Nananakit tayo ng damdamin pag ganun. Bilang respeto kay Mayor Lim at President Cory Aquino na naglingkod sa Maynila at sa bansa, ito ang aming paglingon sa nakaraan, patuloy naming i-immortalize ang mga nagsilbi sa lungsod at sa bayan.

Sa pamamagitan ng itatayong general hospital, ang mga residente ng Baseco ay hindi na kailangan pang magbiyahe patungong Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) na nasa unang distrito ng Tondo at pinamamahalaan ni Dr. Ted Martin bilang director nito.

Ako ay lubos na natutuwa at excited para sa mga taga-Baseco dahil makikinabang sa proyekto yaong mga nangangailangan ng libreng serbisyo medikal o nasa emergency situation.

Kabilang sa mga features at amenities ng nasabing ospital ang sumusunod: 24/7, fully-operational emergency room na may community inclusive outpatient department; digital x-ray equipment para sa radiology department; laboratory at central diagnostics department; centralized medical gas system na may oxygen supply line; pharmacy;isolation wards; dietary department; male at female wards; maternity department; pediatric ward; surgery at internal medicine department; service elevator para sa mga pasyenteng nasa kama at isang passenger elevator na may kapasidad na 11 hanggang 14 katao.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kasama ko din sina Andres at Division of City Schools Supt. Dr. Magdalena Lim sa pagbisita sa Aurora Quezon Elementary School sa Malate, Manila. Inihanda kasi namin ang naturang paaralan para sa posibleng pilot implementation ng limited face-to-face classes sa Maynila.

May mga inilagay kaming acrylic barriers kada mesa na layo-layo upang mapatupad pa rin ang tamang pagdidistansiya para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Bumili din ang lungsod ng 57,622 karagdagang tablets para sa mga mag-aaral at guro, sa gitna ng patuloy na online classes. Ito ay bukod sa 137,217 tablets na binili dati at ipinamahagi ng lokal na pamahaal para sa kanila.

Kaugnay nito, ang dating buwanang data allocation na 10gb na ibinibigay din nang libre ng pamahalaang-lungsod para sa mga guro at mga mag-aaral ay aming itinaas sa 20gb.

Inumpisahan na din namin ang pagbabakuna sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17 matapos ianunsyo ng national government na puwede na ito.

Muli, ako ay natuwa sa proseso at resulta ng aming mass vaccination program para sa mga menor de edad na pinangunahan ni Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan at isinagawa sa Ospital ng Maynila (OM).

Muli ay nananawagan ako sa mga nasa hustong edad na ipapre-register ang kanilang mga anak, apo o alaga upang mabakunahan din sila. Gaya ng lagi kong sinasabi sa simula pa lamang ng pandemya, ‘vaccination is the solution’ upang malabanan ang COVID-19 at mga problemang dulot nito.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.