Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bagong pasanin

0 117

Tiyak na marami na namang aangal sa bagong regulasyon ng Land Transportation Office (LTO) para sa mga driver na magre-renew ng kanilang lisensiya.

Simula Oktubre 28, lahat ng driver na magre-renew ng kanilang lisensiya ay obligado nang kumuha ng Comprehensive Driver’s Education (CDE) certification.

Anong klaseng requirement ba itong CDE? Ating napag-alaman na kailangan ng driver na mag-seminar ng hanggang limang oras at pagkatapos ay kailangan nilang makapasa sa exam para maisyuhan ng CDE certificate.

Hindi po ito libre dahil may bayad na P1,000. Opo, mas mahal pa sa mismong renewal ng lisensiya.

Hindi raw ang LTO ang gumawa ng ganitong patakaran kundi nakapaloob daw ito sa Republic Act 10930, ang batas na nagpalawig sa sampung taon sa validity ng driver’s license kung walang record ng traffic violation, at limang taon na validity naman sa mga may paglabag sa batas trapiko.

Ipinagmalaki pa naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na ito pero pagmumulan pala ng panibagong pasanin ng mga driver. Hirap na ngang kumita ang maraming tsuper ng public utility vehicle ngayong pandemya, magkakaroon pa ng panibagong gastusin sa pagre-renew ng kanilang lisensiya.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Hindi kaya sa implementing rules and regulations (IRR) lamang isiniksik ang CDE requirement? Ang Department of Transportation at LTO kasi ang gumawa ng IRR kumpara sa mismong batas na ang mga senador at kongresista ang bumalangkas. Nagtatanong lang po at pasensiya na kung mali tayo ng hinala.

Sabi ng LTO, una nila itong ipatutupad sa Central Office-Licensing Section at sa Quezon City Licensing Center (QCLC). Susunod naman ang iba pang mga opisina sa National Capital Region sa Nobyembre 3, 2021. Sa labas ng NCR, iaanunsyo pa ng ahensiya kung kailan sisimulan ang bagong requirement sa renewal ng driver’s license.

Kailan lang, kinastigo rin ng mga motorista ang LTO dahil sa mandatory inspection ng sasakyan sa Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) na ginto ang singil kumpara sa mga Private Emission Testing Center (PETC).

Napilitan tuloy si Pangulong Duterte na mamagitan at pinasuspinde ang mandatory vehicle inspection. Hanggang ngayon, optional lamang ang pagpapa-test ng sasakyan sa PMVIC.

Duda nga si Senador Grace Poe, chair ng Senate committee on public services, kung paano in-award ng LTO ang kontrata sa mga PMVIC. Sabi ni Poe, “kung ipagpipilitan nila ‘yung PMVIC ngayon, the very least they can do is increase the number of operational PMVICs by opening the bidding and making the process transparent. Hindi ‘yung parang nagulat na lang tayo na may mga may-ari na.”

Sana, umaksyon si Pangulong Duterte para ipatigil ang panibagong bayarin na ito sa pagre-renew ng lisensiya ng mga driver.

Leave A Reply

Your email address will not be published.