Abante Tonite Interactive

Bagong poll protest ni Marcos pinababasura ni Leni

439

Umapela si Vice President Leni Robredo sa Presidential Electo­ral Tribunal (PET) na ibasura ang bagong kahilingan ni dating Senador Bongbong Marcos na magsagawa ng technical examination sa mga poll document sa tatlong lalawigan sa Mindanao na sinasabing nagkaroon ng dayaan noong 2016 election.

Ayon kay Robredo, kung itutuloy ang technical examination sa mga poll document ay dapat atasan ng PET ang kampo ni Marcos na magsumite ng mga bagong ebidensya.

“Like the boy who cried wolf, protestant Marcos has lost all cre­dibility to say that he was cheated out of the vice presidency,” paha­yag ni Robredo.

Matatandaan na sa halip na ibasura ang poll protest noong nakaraang vice presidential election ay pinagkomento ng PET ang da­lawang panig sa naging resulta ng pilot recount kung saan mas lumamang pa ng 15,000 ang boto ni Rob­redo sa kinukuwestiyong botohan sa Basilan, Lanao del Sur at Maguindanao.

Sa kanyang komento, sinabi ni Robredo na ang resulta ng naging poll recount ay malinaw na patunay na siya ang nanalo sa eleksyon.

Habang ang komento ni Marcos ay nagkaroon ng substitute voting sa 3 lalawigan sa Mindanao kaya dapat na magkaroon ng technical examination ng mga voter’s registration record at election day computerized voters lists.

(Tina Mendoza)