Abante Tonite Interactive

Bagong Taon, bagong pagkatao

392

Isang masaganang araw mga ka-misteryo. ‘Saktong tatlong araw na lang Bagong Taon na naman. Nakailang Bagong Taon na ba tayo sa ating buhay? Natural depende ‘yan sa inyong edad at kung ano ang inyong namalayan.

Abala na naman tayo sa paghahanda, karaniwan ay todong paglilinis sa bahay, pagsasaayos ng mga kagamitan at paghahanda ng masasarap na pagkain para sa mas masaganang buhay sa pagpasok ng 2019.

Iba’t ibang paraan ng paghahanda tulad ng pag­lapit sa mga eksperto sa feng shui o geomancy, psychic reader at ang iba ay DIY na lang — mismong mga may-ari ng bahay ang gumagawa ng paraan para maaliwalas ang kabahayan sa pagpasok ng taon.

Tradisyon na sa atin ang pag-iingay sa pagsalubong sa Bagong Taon bagaman hindi naman kailangan na magpapu­tok tayo dahil delikado ito hindi lang sa kaligtasan ng tao lalo na sa ari-arian na sadyang mapanganib sa sunog.

Kahit ano pa man ang gawin nating paghahanda kung ang ugali ng tao o mga nakatira sa mga bahay ay hindi magbabago ay balewala rin ang lahat ng pagod.

Dahil dito, todo ang aking rekomendasyon na tumutok tayo sa pagbabago ng ating pagkatao, palayain ang ating sarili mula sa masasamang ugali at palayasin ang mga nilikha nating ‘demonyo’ sa ating mga sarili.

Aminin man natin sa hindi, tayo rin mismo ang gumagawa ng sarili nating demonyo o masasamang espiritu sa ating buhay dahil sa kapangyarihan ng ating isipan, salita at gawa.

Malaking bagay ang paglilinis ng ating mga bahay, magandang daloy ng enerhiya sa pamamagitan ng feng shui, at pag-aalay ng panala­ngin, ngunit ‘wag na­ting kalimutan ang ating mga sarili para sa ating bagong pagkatao.

Ang suhestiyon ko, supilin natin ang anumang masamang plano sa ating kapwa, magpatawad tayo at patawarin din natin ang ating mga sarili.

Sabayan natin ‘yan ng pagdara­sal at meditasyon. Punuin natin ang ating puso ng pagmamahal hindi lang sa ating kapwa kundi sa ating sarili.

Isang mapayapa, masagana, malusog at napakasaya na Bagong Taon sa ating lahat!