Abante Tonite Interactive

Bagsik ng COVID-19

3,025

Maraming negatibong epekto ang hatid ng coronavirus di­sease 2019 o ­COVID-19 ­hindi lamang sa kalusugan kundi sa kabuhayan at katiwasayan ng isip.

Sa loob ng mahigit tatlong buwan matapos lumutang ang ­COVID-19 na nagsimula sa China ay marami na ang idinulot nito na perwisyo sa mara­ming bansa pati na ang nawalang buhay ng mga biktima, at hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang mabisang gamot na pangontra sa coronavirus.

Mabilis ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa iba’t ibang bansa at maraming mga unang aksiyon na ipinatupad para maagapan at mahadlangan pa ang pagkalat nito.

Dahil sa COVID-19 ay nagkaroon ng lockdown na unang ginawa sa China at ngayon ay sa Italy samantalang sa Pilipinas ay tinawag itong community quarantine.

Bagama’t hangarin ng community qua­rantine na matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino, mas marami ang dulot na disbentahe nito para sa mamamayan.

Una na rito ang trabaho ng milyon-milyong manggagawa sa National Capital Region (NCR) dahil sa ipatutupad na paghihigpit ng mga awtoridad.

Pangalawa, ang mga serbisyo sa mga tanggapan ng gobyerno na tiyak na babagal dahil sa kakulangan ng manpower na tatagal ng isang buwan.

Maraming bawal dahil sa COVID-19 at pati misa sa simbahan, kasal at binyagan ay may naiba na mula sa nakagawian ng mamamayan.

Maging ang paglalayag sa dagat papasok sa Metro Manila ay bawal na rin, maging ang biyahe ng mga mamamayan na papasok sa NCR.

Isang sektor lamang ang tiyak na nasisiyahan ngayon sa ipinatupad na hakbang ng gobyerno para makaiwas sa COVID-19, at ito ay ang mga estudyante na bakasyon grande dahil sa isang buwang suspensiyon ng klase.

Hindi biro ang hatid na perwisyo ng COVID-19 sa mga Pilipino at sa iba pang lahi kaya naman ang pakiusap ng gobyerno, habaan ang pang-unawa dahil kung hindi susunod ay baka mas marami ang tamaan ng salot na virus at baka dumating ang panahon na hindi na kasya ang mga ospital sa mga dinapuan ng COVID-19.

Tigil din muna ang kapritso ng mga kabataang nagpapasarap lang sa buhay lalo na ang mga mahilig sa gimik dahil tiyak na itataboy sila ng mga awtoridad, at payuhang manatili na muna sa kani-kanilang ta­hanan.

Umpisa nga nga­yong araw na ito ang community quarantine sa Metro Manila at bagama’t inaasahang magkakaroon ng mga negatibong puna at reaksiyon, dapat pairalin ang malawak na pang-unawa dahil ang isinaalang-alang ng gobyerno dito ay ang kaligtasan ng lahat ng mga Pilipino.