Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bagsik ni `Rolly’ hahagupit sa NCR

0 186

Mararamdaman din ng husto ang matinding hagupit ng bagyong `Rolly’ sa National Capital Region (NCR).

Ito ang babala ni National Disaster Risk Reduction and Management Council chief, Undersecretary Ricardo Jalad sa kanyang press briefing kagabi.

Ayon kay Jalad, matapos ang landfall sa Bicol at sa Quezon, susunod na tatamaan ang Metro Manila.

Sinabi rin ni Jalad na dapat na maghanda lahat sa Metro Manila na maraming tao ang nakatira at maraming buhay ang maaapektuhan din.

Kabilang sa kanilang gagawin ay mga pre-emptive evacuation na sinimulan na kagabi.

Nakausap na umano nila ang mga alkalde ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para sa evacuation at sa paghahatid ng tulong sa mga maaapektuhang pamilya.

Ang mga nakatira sa bahagi ng Manila Bay ay paalisin din at dadalhin sa mga evacuation center dahil inaasahan ang mga storm surge.

“Nananawagan kami sa mga kababayan natin ng inyong kooperasyon sa darating na typhoon Rolly, para maiwasan ang casualties. Kami at ang ibang ahensya ay may commitment na gampanan ang mandato na tulungan ang mga kababayan sa lahat ng paraan na makakaya hanggang sa early recovery,” sabi ni Jalad.

SM food to go Banner Ad

Catanduanes, Camarines Sur signal no. 4

Sa weather bulletin na inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) alas-otso ng gabi nitong Sabado, inilagay na sa signal no. 4 ang Catanduanes at silangang bahagi ng Camarines Sur, bago pa man ang landfall ng bagyong `Rolly’.

Itinaas sa signal no. 3 sa Camarines Norte, nalalabing lugar ng Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate, Burias, Ticao Islands, Marinduque, Quezon at Northern Samar.

Signal no. 2 sa Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Zambales, Bataan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, Laguna, Aurora, Romblon, Oriental Mindoro, at Occidental Mindoro.

Signal no. 1 sa Tarlac, Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Mountain Province, Benguet, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, Biliran, hilagang bahagi ng Antique, Aklan, at Iloilo.

Ngayong Linggo ng umaga umano dadaan ang bagyong `Rolly’ sa NCR o Metro Manila na magdadala ng malalakas na hangin.

Huling namataan kagabi ang bagyo sa layong 345 kilometro sa Virac, Catanduanes at taglay pa rin ang lakas ng hangin na 215 kilometer per hour at bugso na 265kph.

Wala pa ito sa kategoryang super typhoon. Sa klasilipikasyon ng PAGASA, ang super typhoon ay may lakas ng hangin na 220kph pataas.

Pagdaan umano ng `mata’ ng bagyo sa Metro Manila ay lalabas na ito sa Luzon ng Lunes ng umaga. (Kiko Cueto/Tina Mendoza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.