Abante Tonite Interactive

Bagyo, bulkan, lindol, atbp

297

Kung mayroon man na pagkakatulad ang administrasyon ni Pre­sident Mayor Rodrigo Duterte at namayapang dating Pangulong Cory Aquino, ito ay parehong kinabayo ng matitinding kalamidad ang panahon ng kanilang panunungkulan.

Pero bago ‘yan, pag-usapan muli natin ang kaso ng pinaslang nating kababayan sa Kuwait na si Jeanelyn Villavende dahil nagpatupad na ng total deployment ban ng OFW ang Department of Labor and Employment (DOLE)sa Kuwait.

Maaari pa namang hindi matuloy ang kautusan ng DOLE kung ­babaligtarin ng Pangulo. Pero habang isinusulat natin ito, wala pang pahayag ang Malacañang kaya tuloy ang ban na sakop ang lahat ng uri ng overseas Filipino (OFW).

Bago kasi nito, partial ban lang ang ipinatupad ng DOLE kung saan mga bagong OFW na magtatrabaho bilang mga kasambahay sa Kuwait ang hindi na pinayagang magtungo doon.

Nagbago ang isip ng DOLE at ipinatupad ang total ban dahil lumitaw sa autopsy sa labi ni Villavende na bukod sa sinaktan siya, aba’y lumilitaw na pinagsamantalahan siya at “binaboy” pa. Ang ikinagagalit pa ng mga opisyal natin, hindi ito ipinaalam ng mga awtoridad ng Kuwait na tila may pinagtatakpan.

Ang tanong, bumigay kaya ang Kuwait sa ginawang hakbang na ito ng Pilipinas para mapatawan ng kaukulang parusa ang mga pumatay at lumapastangan kay Villavende? At papaano na naman kaya tatanggapin ng iba nating kababayan na nais magtrabaho sa Kuwait ang idineklarang total ban?

Matatandaan natin mga tsong na nagpatupad din tayo ng total ban noong Pebrero 2018 dahil sa pagpatay din sa isang OFW na itinago pa ang bangkay sa freezer. Pero pagsapit ng Mayo 2018, inalis na ang ban dahil pumayag ang Kuwait na pumirma sa kasunduan na magbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga OFW doon. Pero sakabila nga ng kasunduan, nangyari pa rin ang nangyari kay Villavende.

Related Posts

Maunawaan sana ng mga OFW na nais magtrabaho sa Kuwait ang sitwasyon at magtiis-tiis muna at maghanap na lang ng ibang bansa na mapupuntahan. Iyong nga lang, mahirap ito sa mga nakapangutang na at nakatakda na sanang umalis. Pero malay niyo, baka masindak agad ang Kuwait sa ban at mapabilis ang pagbibigay ng hustisya sa kababayan natin. Baka mabalitaan na lang natin na nanlaban sa presinto nila ang suspek at napatay.

Samantala, gaya ni Tita Cory, nangyari sa panahon ng administrasyon ni President Mayor Duterte na ­makaranas ang ­Pilipinas ng mga matitinding natural ­calamity — ang ­malalakas na bagyo, malalakas na lindol, at matinding pinsala ng pagputok ng bulkan.

Masasabing “given” na ang mga bagyo na taun-taong nararanasan, pero hindi ang malalakas na lindol at matinding pagputok ng bulkan. Sa panahon ng liderato ni Tita Cory, naganap ang 7.8 magnitude na lindol na tumama sa Luzon at ­yumanig din sa Metro Manila. Pagsapit ng 1991, sumabog naman ang Mt. Pinatubo na matinding nakapaminsala sa Central Luzon.

Ngayon naman sa panahon ni President Ma­yor Duterte, sunod-sunod na nangyari ang higit magnitude 6 na mga lindol sa ­Mindanao, at ngayon ay sumabog ang Bulkang Taal na nagpapahirap sa marami nating kababayan sa Batangas at ilang lugar sa Cavite. Katunayan, hindi pa nga nakababangon sa trahedya ang mga nawalan ng tirahan sa nangyaring kaguluhan sa Marawi.

Bagaman mayroong matitinding natural calamity sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino tulad ng 7.2 magnitude na lindol sa Bohol at hagupit ng bagyong ‘Yolanda’ sa Samar, at pagwawala ng ilang miyembro ng Moro ­National ­Liberation Front (MNLF) sa ­Zamboanga, wala ­namang matinding pagputok ng bulkan na nangyari.

Gayunman, makikita natin na ilang beses nang kinabayo ng kalamidad ang Pilipinas pero nakabangon pa rin ang ating mga kababayan tulad sa mga nasalanta ng Pinatubo. Ibig sabihin, maka­babawi rin ang mga kababayan nating naapektuhan ng pagsabog ng Taal. Sana lang ay very soon at mag-stop na sa pag-alburoto ang bulkan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”