Abante Tonite Interactive

Bagyo malapit sa PAR binabantayan

0 196

Bunsod ng hanging habagat ang nararanasang pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon habang inaasahang papasok naman sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang isang bagong sama ng panahon na kapag tuluyang naging bagyo ay tatawaging ‘Marilyn’.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), patuloy na makakaranas ng kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos, Cordillera, Cagayan Valley Region, Rizal at at Central Luzon dahil sa hanging habagat.

Sinabi ni Pagasa weather forecaster Raymond Ordinario na bagama’t may low pressure area malapit sa PAR ay wala pa itong direktang epekto sa bansa.

Sa Miyerkoles pa aniya ito inaasahang papasok sa PAR at posibleng maging ika-13 bagyo na pumasok sa bansa ngayong taon.

Nagbabala naman ang Pagasa ng posibleng pagbaha at landslide sa mga lugar na apektado ng mga pag-ulan. (Tina Mendoza)