Abante Tonite Interactive

Bagyong Hanna lumakas, bumagal; 1 bagyo, LPA namataan

337

Lumakas pa ang bagyong Hanna at mas bumagal na kumikilos lamang sa bilis na 5 kph, ayon sa Phi­lippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa Pagasa, nasa 130 km/h ang bilis ng bagyong Hanna at may bugso na 160kph. Huli itong namataan 630 km kanluran ng Basco, Batanes.

Hindi pa rin inaasahang tatama sa lupa ang bagyo at lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes.

Dala ng paglakas ng bagyo ay patu­loy na makakaranas ng katamtaman hanggang malalakas na pag-uulan ang Batanes at Babuyan Group of Islands.

Ang bagyong Hanna umano ay pinalalakas pa ng hanging habagat kaya nakakaranas ng pag-uulan ang Calamian at Cuyo Islands, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, Zambales, Bataan, Aklan Antique, Iloilo, Guimaras, Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas.

Sinabi ni Pagasa senior weather­ specialist Chris Perez na maliban sa bagyong Hanna ay dalawa pang weather system ang binabantayan ng Pagasa.

Isang low pressure area (LPA) na namataan sa Dagupan City at ang bagyong may international name na Krosa na nasa labas ng PAR.

Sa ngayon ay hindi pa inaasahan na magiging bagyo ang bagong LPA habang hindi naman papasok ng PAR ang bagyong Krosa.

Ipinaliwanag ni Perez na asa­han pa na magiging maulan sa loob ng 3 hanggang 5 araw kahit pa man makalabas na ng PAR ang bagyong Hanna dala na rin ng combined effect ng LPA at ang bagyo sa labas ng bansa na patuloy na pag-iibayuhin ang habagat. (Tina Mendoza)