Abante Tonite Interactive

Bagyong Ramon lumakas, 7 probinsya apektado

249

Isinailalim na sa Signal No. 2 ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration o Pagasa ang lalawigan ng Catanduanes matapos na lumakas at maging tropical storm ang Bagyong Ramon kasunod ng inaasahang pagtama nito sa lupa.

Bukod sa Catanduanes ay kabilang din ang pito pang probinsya na apek­tado ng bagyo. Sa ngayon ay nanatili ang Signal No. 1 sa Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Eastern Samar at Northern Samar na uulanin umano sa loob ng 36-oras.

Lumakas pa ang bagyo taglay ang 65kph na lakas ng hangin at bugso na 80kph. Huli itong namataan sa Borongan City, Eastern Samar.

Ayon kay Pagasa Administrator Vicente Malano, sa Isabela-Cagayan area magla-landfall ang bagyo sa araw ng Biyernes kaya sa araw ng Huwebes ay marami ng lugar na uulanin. (Tina Mendoza)