Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bahala na ang ‘Justice League’

0 136

Sa lagay ng bansa ngayon mga tropapips na umaariba pa rin sa dami ang COVID-19 cases, at ibabalik na sa General Community Quarantine ang maraming lugar kasama na ang Metro Manila, hindi sapat ang sabihin lang na — “bahala na si Batman.” 

Napabuntong-hininga nga nang napakalalim ang ayudanatics nating mga kurimaw sa naging desisyon na ilagay na sa GCQ ang Metro Manila. Kasi naman, bukod sa madami pa ang kaso ng COVID-19 at may mga balita pang punuan ang mga ospital, at nanghihinayang din ang mga kolokoy sa ayuda.

Hindi man aminin ng gobyerno, malamang na isa sa mga dahilan kaya ilalagay na sa GCQ ang maraming lugar eh para makakayod na ang mga tao. Mukhang nasasaid na naman ang pondo ng gobyerno sa mga ayuda, at naghahanap pa ang mga medical frontliners ng mga pangakong benepisyo sa kanila.

Sa nakalipas na mga araw, pumapalo sa 20,000 ang mga bagong kaso ng virus sa isang araw. Samantalang hirap namang makahabol sa bilang ang mga gumagaling.
Katunayan, nasa halos 160,000 pa ang mga aktibong kaso, o mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling. At huwag nga pa lang pagkomparahin ang dami ng mga nagkakasakit at gumagaling dahil kasama diyan ang bilang ng mga nasasawi.

At kapag pinag-usapan ang bilang ng mga nasawi, tandaan na hindi na maibabalik ang kanilang mga buhay–na sa ngayon ay mahigit 34,000 na. Alalahanin natin mga tropapips, noong Disyembre 26, 2020, ang buong bilang pa lang ng mga nasawi sa virus ay 9,067. 

Sa datos na inilabas ng Department of Health nitong Setyembre 6, umabot na sa 34, 337 ang mga nasawi. Ibig sabihin, mula Enero hanggang sa kasalukuyan ng 2021, mahigit 25,000 na ang namatay.

Nitong nagdaang Agosto mga tropapips, tinataya ng DOH na 131 pasyente ang namamatay kada araw dahil sa COVID. Marami raw sa bilang na iyan eh nasa NCR, Region 3, 7, 4A, Caraga, 12, 1, at 10.

SM food to go Banner Ad

Mapapatanong ka naman, mahigit isang taon na ang pandemic pero wala pa rin humpay ang dami ng mga namamatay?  Sabagay, mukhang oks lang sa DOH ang bilang na ‘yan ng mga namamatay dahil sinasabi nilang “mas kaunti” ‘yan kumpara sa ibang bansa.

Bakit nga ba nagkakahirapan na rin sa gamot sa COVID tulad ng Tocilizumab at Remdesivir? Habang nagkakahirapan sa tocilizumab sa mga ospital, nagkakaroon naman daw ng mga nagbebenta sa labas na triple ang presyo na umaabot sa P100,000?

Pero dahil sa GCQ na ulit at mas marami na ulit ang mga tao sa labas, dadami ulit ang makakasabayan sa mga pampublikong sasakyan. Bukod sa sinasabing “granular lockdown” na ipatutupad sa isang lugar na may maraming kaso ng COVID, dapat maging mahigpit talaga ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng minimum health protocols.

Kabilang sa mga dapat makisama ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan–lalo na ang mga de-aircon na bus, UV express at e-jeepney, na pinapayagan na punuan ang mga pasahero gayung kulob ang sasakyan nila.

At kung bakuna talaga ang makapagsasalba sa buhay laban sa COVID, aba’y damihan na ang tuturukan lalo na iyong mga gusto nang magpabakuna. Bigyan na rin talaga ng prebilehiyo ang mga fully vaccinated para mainggit ang mga ayaw magpabakuna.

Dahil nga wala pa ring pahiwatig na huhupa na ang hawahan, aba’y hindi lang “Bahala na si Batman” ang dapat sabihin ng mga lalabas na ulit, kung hindi “bahala na ang Justice League” o kaya ay “bahala na ang Avengers.” Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.