Abante Tonite Interactive

Bahay kubo kahit munti may tax ba?

0 412

Dear Attorney Claire,

Nais ko pong itanong kung may buwis ho ba ang bahay kubo?

Nagbabayad po kami ng real property tax ng lupa, ngayon balak naming gawing munting resort ang aming lupa at tayuan ng isang unit na bahay kubo gawa sa kawayan at nipa na may sukat na 40 square meters.

Sa ilalim ng kubo ay sementado at may tiles. Meron siyang 1 meter column (poste) from ground level, elevated po `yong kubo. Approximately cost P80,000 to P100,000.

May tax po ba ito? Maraming salamat po.

Gumagalang

Ronald

Ronald,

Tama ka na binabayaran mo ng real property tax o amilyar ang lupa ninyo pero kapag ikaw ay nagpagawa ng anumang istraktura sa lupa ay kakailanganin mo ang building permit para sa pagpapagawa mo ng improvement. Dahil dito ay kakailanganin mo na makipag-ugnayan sa engineering department ng local government unit (city or municipality) na may sakop sa lugar na pagtatayuan mo ng building o improvement.

Kapag inaprubahan at nakapagpatayo ka na ng building ay ipasusuri iyan upang ma-assess ang value para malaman mo kung magkano ba ang babayarang amilyar. Makipag-ugnayan sa Assessor’s Office upang ipaalam ang bagong improvement na naitayo.

Kung ang naitayong building o bahay o anumang improvement ay hindi mo ipapa-assess upang magkaroon ng sariling declaration of real property tax ay mahihirapan ka rin naman makakuha ng business permit kung balak mong gawing negosyo ang resort dahil hahanapan ka ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng mga supporting document ng naturang improvement.

Kung binalak mo nang ibenta ang lupa at building ay hindi mo rin maibebenta ito dahil sa walang kaukulang tax declaration ang improvement.

At kapag hindi nabayaran ang amilyar dahil sa hindi mo dineklara at pinatayo ng walang mga building permit at ibang permit na kailangan ay maaari kang makasuhan ng criminal case ayon sa National Building Code at magbabayad ka pa ng tamang amilyar na may kasama nang interes at penalty.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag sa 8410-7624 o 8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.