Abante Tonite Interactive

Bahay, negosyo, sasakyan walang puwedeng angkinin ang singer-actress

1,640

Matagal na palang kinausap ng kanyang pamilya ang isang pamosong female persona­lity tungkol sa kanyang mga naipundar mula nang siya’y mag-artista.

Nang maramdaman pala ng mga magulang ng singer-actress na seryosohan na ang relasyon nila ng isang male personality ay masinsinan na siyang kinausap ng kanyang mga magulang.

Kuwento ng aming source, “Alam nila na papunta na sa pagpapakasal ang lahat. Nag-propose na kasi ang guy, buong-buo na rin sa isip at puso ng girl ang paglagay sa tahimik.

“So, non pa man, e, pinag-usapan na nila ang financial side ng kuwento. Lahat ng mga properties na naipundar ng female perso­nality para sa family niya, e, kanila lang.

“Lahat-lahat ng nabili niya, e, maiiwan sa pamilya niya. Ang kanilang bahay, ang mga sasakyan, ang lahat ng business nila, walang puwedeng kunin ang girl, para sa family niya ‘yon.

“Wala namang problema sa girl, sumang-ayon siya sa gusto ng family niya, pumayag siya,” simulang kuwento ng aming source.

Mula non ay hindi na naging maayos ang relasyon ng singer-actress at ng kanyang mga magulang. Palagi na silang nagkakaroon ng mga argumento.
Nagtatalo na sila palagi.

“Kontrang-kontra talaga ang mommy niya sa guy, ewan naman kasi kung bakit nagpapaniwala ang mother niya sa mga bulong! Marami siyang sinasabi sa anak niya na puro imbento lang naman ng ibang tao na ipinararating sa mommy niya!

“Doon lahat nanggagaling ang mga problema, kapag may nalaman si mommy, agad na niyang kokomprontahin ang anak niya! Kesyo gagamitin lang daw ng guy ang anak niya!

“Kesyo peperahan lang! E, sa totoo lang naman, hindi kailangan nong guy ang pera ng girl, mas mayaman pa nga ang angkan nila kung tutuusin, e!

“‘Yon din ang reason kung bakit malayo pa, e, pinagkasunduan na ng mga magulang ng singer-actress at nong girl ang kung ano-ano lang ang madadala niya kapag nag-asawa na siya!” madiing pagtatapos ng aming source.

Robin nakuryente: Susan ‘di totoong sinaway si Coco

Takang-taka ang kampo ni Manang Inday (Susan Roces) kung bakit pati ang veteran actress ay idi­namay ni Robin Padilla tungkol sa ipinipilit niyang binuhusan ng tubig ni Coco Martin sa mukha ang isang inaantok na crew.

Ayon kay Robin ay totoong-totoo raw na naganap ‘yon, si Manang Inday pa nga raw ang sumaway kay Coco, kasabay ang pagsasabing kahit minsan ay hindi ‘yon ginawa ng namayapang Hari Ng Aksiyon na si FPJ.

Sabi ng aming source, “Kung si Coco ang gusto niyang birahin, sumentro lang siya kay Coco! Bakit pati si Manang Inday na nananahimik at wala namang kaalam-alam tungkol sa buhusan ng tubig, e, idinadamay pa niya?

“Walang alam si Manang Inday tungkol don! Hindi niya sinaway si Coco dahil wala naman siyang nakitang ganong pangyayari! Lalong walang sinabi si Manang Inday na kahit minsan, e, hindi ginawa ni FPJ ang ganon sa mga kasamahan niyang artista at crew!

“Saan naman kaya nasagap ni Robin ang kuwentong ‘yon? Kapag break na sa Ang Probinsyano, e, may kani-kanyang place silang pinagpapahingahan.

“Nagkikita na lang sina Coco at Manang Inday kapag take na. Hindi sila nagkukuwentuhan kapag break nila dahil pare-pareho nilang kailangan ang pahinga! Huwag na niyang idinadamay pa si Manang Inday, walang kaalam-alam ‘yong tao sa mga isinusumbat niya kay Coco!” madiing paglilinaw ng aming source tungkol sa ipinost na pahayag ni Robin Padilla.

Mariel iniyakan ang pag-upak ni Binoe sa Dos

Inaalala naman ng ibang personalidad si Mariel Rodriguez na literal na nakapagitna ngayon sa dalawang nagbabanggaang puwersa.

Isang source ang nagkuwento sa amin na iyak nang iyak si Mariel kapag nakakausap nito ang kanyang mga kasamahan sa It’s Showtime.

“Napakahirap kasi ng sitwasyon niya, asawa niya si Robin na panay-panay ang upak sa network na pinagtatrabahuhan niya! Wala siyang magawa!

“Nasaan naman ang respeto ni Robin? Alam niya naman na sa ABS-CBN nagwo-work si Mariel, ang pamangkin niyang si Daniel, ang utol niyang si Rommel, tapos, ganyan ang inaasal niya?

“Tama na lang sanang siya ang hindi tumanaw ng utang na loob sa istasyong napakalaki ng naitulong sa career niya, huwag na niyang idamay pa ang mga taong konektado sa kanya na nakikinabang din sa network!” napakadiing komento ng aming source.