Abante Tonite Interactive

Bahay ng kapatid sinangla

0 551

Dear Atty. Claire,

Nagkaroon po ako ng problema tungkol sa isang bahay/pwesto na nakuha ko bilang sangla. Iyong harap ng kabuuang bahay lamang ang isinangla sa akin.

May pinirmahan kaming kasulatan at kasunduan at notaryado sa munisipyo. Mayroon din aking kopya ng deed of absolute sale dahil hindi pa titulado pero may rights na ang bahay.

Ngayon habang pinapaayos ko po sana ‘yong pupwestuhan ng aking magiging negosyo ay biglang sumugod doon ang kapatid nung nagsangla sa akin at pinapatigil ang pagpapagawa ko.

Doon ko pa lang nalaman na nakasangla pa pala ang buong bahay sa ibang tao. ‘Yong nagsangla sa akin ay kapatid lamang ng totoong may-ari ng bahay. Sa kanyang pagkakakuwento sa akin ay walang problema ang bahay at hindi niya alam na nakasangla pala ito sa ibang tao.

Ano po ba ang mga dapat kong gawin? Hangad ko lang ay mabawi ko ‘yong perang naibigay ko.

Maraming salamat po,

Jonel

Jonel,

Tama ba ang pagkakaintindi ko na ang bahay ang may deed of sale? Pero ang sabi mo ay nakasangla rin pala ito sa iba nang hindi mo alam.

Unang tanong ko ay sino ang pumirma sa deed of sale? Ang pumirma ba sa sanglaan ninyo ay may authority mula sa tunay na may-ari?

Kung makakakuha ka ng Special Power of Attorney (SPA) na nagbibigay ng kapangyarihan sa kapatid ng may-ari o kaya ay sinasang-ayunan ng tunay na may-ari ang sanglaan ninyo at ang bentahan ay masasabi ko na mas may karapatan ka kaysa sa ibang humahabol lalo pa at ikaw ang lumalabas na unang nakaposisyon dahil sa sinisimulan mo na ang pagpapagawa sana ng puwesto mo.

Kung tunay ka naman na ‘naloko’ dahil sa ang kausap mo pala ay wala namang kapangyarihan na makipagtransaksyon sa iyo tungkol sa ari-arian ay maaari mo siyang kasuhan ng estafa o panloloko na may kasamang prayer for damages.

Kumpletuhin mo muna ang lahat ng dokumento para malaman mo kung hanggang saan mo ba mailalaban ang iyong karapatan at kung ano ba talaga ang ikakaso natin. Mas mainam na makausap mo rin ang tunay na may-ari upang malaman mo kung ano ba ang tunay na papel ng kapatid niya.

Sa mga katulad mo na tumatanggap at pumapasok sa ganitong transaksyon ay dapat alamin muna lahat ng dokumento at makipag-usap lamang sa may-ari o sa kanyang authorized representative na may hawak ng SPA.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410-7624 o 8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.