Abante Tonite Interactive

Bahay ng principal binomba

245

Pinasabugan ang bahay ng isang school principal ng hindi pa kilalang suspek sa Pikit, North Cotabato Linggo ng gabi, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Wala namang nasugatan sa pagpapasabog ng isang grenade launcher sa bahay ng biktimang si Abdulkadir Buda, 35, principal ng Datu Embak Mangansing Memorial High School.

Sa ulat ni Police Capt. Mautin Pangandigan, hepe ng Pikit Municipal Police Station, naganap ang insidente alas-10:00 ng gabi.

Base sa imbestigasyon, isang M79 grenade ang ginamit ng suspek sa pagpapasabog ng bahay base sa mga shrapnel na nakuha sa lugar ng insidente na ilang metro lang ang layo sa Fort Pikit kung saan naroon ang munisipyo at istasyon ng pulisya.

Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng pulisya kung ano ang motibo at kung sino ang responsable sa pagpapasabog. Wala pa ring pahayag ang biktima hinggil sa insidente. (Edwin Balasa)