Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bahing ng bahing

0 179

Kung may bahing ng bahing, lalo na sa umaga, dati rati’y hindi natin ito pinapansin. Ngunit ngayong pandemya, nakakapangamba na baka may Covid19 ang bumahing. Madami pa din namang maaaring dahilan maliban sa Covid-19 at ang isa dito ay ang allergic rhinitis. Isa itong allergic reaction kung saan tumataas ang histamine levels sa katawan na maaapektuhan ang ilong. Kadalasan, balat ang makikitaan ng sintomas kapag may allergy. Nagkakaroon ng pamamantal, pamumula, at pangangati dito. Kung minsan ang pamamaga nakikita din sa mga mata kung saan nagmimistulang mata ng palaka sa maga ang mga ito. Sa malalang pagkakataon, maaaring umabot ang pamamaga sa may lalamunan kung saan maaapektuhan ang paghinga. Sa allergic rhinitis, naiirita ang ilong kaya ang resulta ay pagbahing ng sunod sunod nang hindi naman sinisipon. Maaaring masabayan din ng pagluha at pangangati ng mata, pagubo, pagkapagod, pananakit ng ulo, at kung matindi, pati balat magkaroon na din ng eczema.

May dalawang klase ng allergic rhinitis, ang seasonal at perennial. Ang una ay panapanahon lamang, ang huli ay walang pinipiling panahon at maaaring maranasan sa buong taon. Tulad ng anumang allergies, may mga bagay na maaaring maging sanhi nito. Mga halimbawa nito ay ang alikabok at amag, pollen galing sa damo at bulaklak, balahibo at laway ng mga alagang aso at pusa, pwede din sa mga pabango, sabon at fabric conditioner. Kaya mahalagang panatiliing malinis ang silid at kapaligiran, siguraduhing paliguan ang mga alaga, at iwasan ang mga bagay na nakakairita sa ilong. Nakakadagdag pa dito ang sigarilyo at anumang usok, mga kemikal, at paiba iba ng panahon at klima.

Kung kakailanganin gamutin, mga anti-histamines at mga anti-inflamatories ang iniiinom. Humingi ng payo sa inyong doktor. Kung minsan, maliban sa history and physical exam ang gagawin, maaaring gawan din ng mga laboratoryo, skin o patch test for allergens para malaman kung saan allergic, o dikaya nasal endoscopy para silipin ang ilong. Dapat din na palitan ang dyeta ng hypoallergenic diet. Ibig sabihin ay kahit na hindi allergic sa mga pagkain, ngunit alam na nakakaallergik ang mga ito, ay iwasan pa din ang mga ito dalawang linggo. Ang mga pagkain na ito ay ang mga malalansa, tulad ng seafood, bagoong, manok at itlog, mga citrus na prutas, tulad ng oranges o dalandan, ang tsokolate at mga mani. Maaari namang ibalik ang mga ito, paisa isa pag gumaling na. Ngunit ang pinakamahalaga ay iwasan ang mga bagay na maaaring pagmulan ng allergy.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Baduy man pakinggan, ngunit talagang totoo naman na “an ounce of prevention is more than a pound of cure” lalo na pag allergy ang karamdaman.

Hanggang sa susunod na Martes! Keep healthy! Stay safe! Get Vaccinated!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.