Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bahrain sasagutin pamasahe ng mga OFW

0 66

Nakahandang sagutin ng Bahrain ang gastos sa pamasahe ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa kanilang bansa na nawalan ng trabaho nang magsara ang mahigit 8,000 negosyo sa naturang bansa.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nakikipag-ugnayan na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Labor Market Regulatory Authority ng Bahrain para sa pag-uwi ng mga OFW na walang gagastusin ang pamahalaan ng ating bansa.

Inihayag ng DOLE na mayroong 803 OFW ang humingi ng tulong para makauwi na at 457 ang naiuwi na noong Enero.

Sabi ng DOLE, maraming OFW sa Bahrain ang napilitang mag-resign o nabawasan ang oras ng trabaho at suweldo. Ang iba naman ay nawalan ng trabaho ng tatlo hanggang apat na buwan at walang nakuhang suporta mula sa kanilang mga employer.

Ayon sa DOLE, sinisi ng Ministry of Labor and Social Development ng Bahrain ang COVID-19 pandemic sa permanenteng pagsasara ng mga negosyo tulad ng mga hotel, events, service, retail at education.

Sinabi umano ng Bahrain na tutulungan nito ang mga OFW na makuha ang kanilang claims sa mga employer nila na hindi sinunod ang kanilang mga kontrata nang magsara ang mga negosyo. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.