Abante Tonite Interactive

Baka hassle ang murang car insurance

349

Eto na, nagmamaneho na tayo matapos na makakuha ng brand new na oto na hulugan o kaya naman ay segunda mano lamang pero cash naman na nabayaran.

Sa brand new na sasakyan, hulugan man o cash ay awtomatikong kasama sa unang binayaran ang isang taon na comprehensive insurance coverage kaya masasabing isang taon kang kampante na hindi ka masyadong magagastusan sakali mang magkaroon ng malaking tama ang sasak­yan mo matapos masangkot sa aksidente.

Kung segunda mano naman ang nabili mo, kailangan mo pa ring isailalim ito sa comprehensive insurance coverage lalo na kung modelo pa para iwas hassle sakaling maaksidente o makaaksidente ka.

Kaya lamang, kahit sa paghahanap ng insurance coverage, naging ugali na ng mga Pinoy na maghanap ng mura o kaya ay hulugan at mayroon pa nga na ang gusto ay mura na at hulugan pa.

Sa unang tingin, akala mo lamang ay nakatipid ka kapag mura at hulugan ang nakuha mong insurance policy ng sasakyan, hindi mo mararamdaman ang hassle nito kapag hindi nasasangkot sa aksidente ang oto mo.

Pero kapag dumating na ang mga pagkakataong nasagi, nakasagi, nabangga o nakabangga ka, diyan mo malalaman kung totoo ang pinagsasasabi ng ahente mo noong kinukumbinsi ka pa lamang niya na sa kanya kumuha.

Sa personal kong karanasan, pinakasiguradong sa bangko na kumuha ng insurance coverage para sa inyong mga sasakyan.
Bakit sa bangko?

Unang-una, matinding kulitan ang magaganap sa pagitan ng may-ari ng sasakyan na nasangkot sa aksidente at sa insurance company kapag oras na ng pagclaim.

Kung sa bangko ka kumuha, bangko na lamang ang kakausapin mo at sila na ang gagawa ng iba pang proseso oras na makumpleto mo ang mga dokumentong kailangan.

Mas mataas nga lamang ang premium kung sa bangko ka kukuha pero ‘yung mababawas na abala sa iyo at maiiwasang init ng ulo sa pakikipagkulitan ay siguradong sulit naman.

Iwasan din kumuha ng hulugan na car insurance dahil sasagutin ka ng insurance company ng mga pangangatuwirang kagaya ng mga ginagamit ng abogado kapag ang oto mo ay naaksidente sa mga panahong hindi ka pa nakakapaghulog ng kabayaran.

Tatlo ang sasakyan na minamantini ko, lahat naka-insure sa bangko, ‘yung isa natamaan ng bato sa windshield, ‘yung bangko lang ang kinausap ko.

Pagkatapos ng tatlong araw, bago na windshield ng sasakyan ko at nagamit ko rin agad matapos bayaran ang parti­cipation fee.

Ayos ba?