Abante Tonite Interactive

Baka ninakaw, kinarne ng kawatan

324

Mga buto at balat na lamang ng kanyang alaga ang naabutan ng may-ari ng alagang baka matapos itong katayin ng hindi nakilalang magnanakaw sa San Juan, Batangas kamakalawa nang madaling-araw.

Sa report ng San Juan police, laking gulat ng ginang na nag-aalaga ng baka na si Tessi Naredo nang madatnan nito ang alaga na buntot, mga buto at ilang bahagi na lang ng katawan ang naiwan sa pinagtalian nitong bakanteng lote sa Brgy. Calit-Calit Martes nang umaga.

Hinila umano ang baka patungo sa loob ng katabing taniman ng tubo at doon kinatay. Ang baka ay nagkakahalagang P50,000.00.

Napag-alaman na sa katabing bayan ng Rosario ay patuloy ding nagaganap ang nakawan ng mga alagang baka at kalabaw.

Hinala naman ng pulisya, dumadayo pa sa nasabing lugar ang mga magnanakaw at dinadala sa ibang lugar ang mga karne ng hayop at ibinebenta sa iba’t ibang mga pamilihan. (Ronilo Dagos)