Abante Tonite Interactive

Bakasyunista nirapido sa island resort

726

Humantong sa trahedya ang pinangarap na outing ng isang pamilya mula sa Biñan City, Laguna patungo sa malaparaisong Fortune Island na nasa karagatan ng West Philippine sea sakop ng territorial water ng Nasugbu, Batangas makaraang mamatay ang padre de pamilya sa pamamaril ng security guard dahil sa pagtatalo ng dalawa.

Batay sa report ng Nasugbu Police, bandang alas-10:00 Sabado ng umaga nang dumating sa resort ang pamilya ng biktimang si Rizaldy Raniel Tamayo, 47.

Nagkaroon ng hindi inaasahang pagtatalo sa pagitan nito at ng duty security guard na si Alexander Tolentino, 37, tubong bayan ng Calaca.

Sa kainitan ng pagtatalo, bumunot ng kanyang service fire arm ang suspek at pinagbabaril ang biktima.

Nagtamo ito ng mga tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad nalagutan ng hininga.
Hindi naman nagawang makaalis ng suspek sa isla hanggang sa mahuli ito ng mga rumes­pondeng pulis.

Hindi na nabawi sa suspek ang ginamit nitong baril dahil itinapon na umano ito sa dagat bago dumating ang mga pulis.

Nakakulong na ang suspek at sinampahan na ng kasong homicide. (Ronilo Dagos)