Abante Tonite Interactive

Bakbakan sa Dos

529

Kasado na ang pagdinig ng Senate committee on public services na pinamumunuan ni Senador Grace Poe hinggil sa franchise ng ABS-CBN. Gagawin ito sa Lunes, Pebrero 24, ganap na alas-10 ng umaga sa session hall ng Senado.

Sinahog din ng Poe committee ang pagtalakay sa aplikasyon ng prangkisa ng iba pang kompanya tulad ng Golden Broadcast Professional Inc., Gold Label Broadcasting System Inc., Broadcast Enterprises and Affiliated Media Inc., First United Broadcasting Corp., Crusaders Broadcasting System Inc. at Bicol Broadcasting System Inc.

Asahan ang fireworks sa pagdinig sa sinasabing paglabag ng television network sa kanilang prangkisa, base na rin sa reklamo ni Solicitor General Jose Calida sa Supreme Court kaya gusto nilang ipawalang-bisa ang prangkisa ng ABS-CBN. Naghain na rin ng gag order petition si Calida kaya inatasan ng SC ang network na magkomento sa loob ng limang araw simula noong Martes, Pebrero 18.

Sa Enero 27 pa sana magdaraos ng hearing si Poe pero dahil sa sinampang gag order ay inagahan ito. “Hindi ko alam kung ano ba talaga ang iniisip nila, pero sa aking ispekulasyon ay ayaw talaga nila na magsalita ang mga may kinalaman dito,” wika ni Poe sa hirit ni Calida na busalan ang ABS-CBN.

Kung hindi makakapagsalita ang mga opisyal ng network, sinabi ng senador na mahihirapan silang alamin ang katotoha­nan. Iba raw kasi ang proceedings sa korte kumpara sa Senado. Sa korte kasi, hindi naman live ang deliberasyon ng quo warranto ­petition. “Hindi ba mas maganda para malaman kung ­talaga bang may kasalanan o wala eh bukas ang pagdinig,”giit ng senador.

Nagsalita na rin si Senador Bong Go na dapat simulan na ng Kamara ang pagdinig sa franchise application ng network upang sa gayon ay agad itong maaprobahan at iakyat sa mesa ni Pa­ngulong Duterte. Siyempre, hindi magsasalita ng ganito si Go kung walang ‘go signal’ ng pangulo. Ibang usapan na raw kung pipirmahan ng pangulo o ive-veto ang prangkisa ng Dos.