Abante Tonite Interactive

Bakbakan sa FIBA

By
2,360

Tayong lahat ay nakasaksi ng isang FIBA qualifying game ng Gilas Pilipinas at Australia sa Philippine Arena, nitong nakaraang Lunes, July 2, 2018.

Bago pa man nag-umpisa ang laro, nagkaroon na ng kontro­bersya, kasi noong nag-ensayo ang mga Australyano sa Philippine Arena, pinatanggal nila lahat ng decal at sticker sa flooring ng arena, na walang pahintulot.

At ang sabi nila, medyo madulas daw. Hindi maganda ang ginawa nila dito kasi approved itong mga decal at sticker ng FIBA.

Noong laro, maganda ang simula at limang puntos lang ang lamang ng Australia sa Gilas Pilipinas 23-18. Ngunit noong 2nd quarter, umarangkada na ang Australia at big­lang iniwanan ang Gilas dahil sa kanilang napakagandang laro.

Alam naman natin na gaganti ang Australia sa mga Pinoy dahil nasilat sila ng Japan noong nakaraang lingo. Natalo sila ng one point sa Japan at naghinala na ako na ibubuhos nilang lahat laban sa Gilas.

‘Yun nga ang nangyari.

Hindi basta-basta ang team ng Australia. Ang average height nila ay 6 foot 6 at kasama sa koponan nila ang dalawang NBA players na sina Thon Maker at si Matthew Dellavedova, mga manlalaro ng Milwaukee Bucks.

At lumamang na ang Australia na halos 30 puntos sa Gilas Pilipinas, na mukhang hindi makaporma sa mga naglalakihang manlalaro ng Australia. Hindi tayo makapuntos at maraming turnovers.
Ang sama ng laro ng Gilas.

Dito na pumasok ang frustration. Naglabasan na ang mga siko, nagtutulakan na para makakuha ng puwesto. At kalagitnaan ng 3rd quarter ng laro, nag-drive si Pogoy at nilabas nito ang siko patungo sa mukha ni Goul­ding, isang magaling na manlalaro ng Australia.

Sinabayan pa ng tulak. Nakita ito ng isang manlalaro ng Australia na si Kickert na tila gumanti at binigyan ng suntok sa mukha ni Pogoy. At dito na nangyari ang hindi kanais nais, at nagkaroon ng rambulan.

Siyam na manla­laro ng Gilas ang na-thrown out, samantala apat naman sa Australia. Tatlong player na lang ng Gilas ang natira para tapusin ang laro — sila Amer, Fajardo at Norwood.

Hindi mawawala ang pisikalan sa basketball, isang contact sports. Ngunit nakakatakot ay kung ano ang ipapataw na parusa ng FIBA.

Baka din mawala ang hosting rights ng Pilipinas sa FIBA World Cup sa darating na 2023.
Sana naman hindi.