Abante Tonite Interactive

Bakit ‘di kasali ang ilang eSports sa 30th SEA Games?

LEVEL UP!

291

Marahil nagtataka ang marami kung bakit hindi naisama ang ilang laro sa mga pag­lalabanan sa unang pagsasagawa ng electronic sports o eSports bilang regular o medal sports sa parating na 30th Southeast Asian Games 2019.

Una nang inihayag na ang mga paglalabanang titulo lang ay sa Dota 2, Starcraft II, Tekken 7, Arena of Valor, Mobile Legends: Bang Bang, at isang nakatakdang ihayag sa mga susunod na araw.

Gayunman, Ipinagtataka na hindi naisali ang ibang mas popular na mga laro o ‘di nakunsiderang medal event sa biennial meet.

Ano nga ba ang mga rason at bakit hindi isinali ang ibang mga popular na laro tulad ng mga shooter game na Counter-Strike: Global Offensive (CS:GO) at Call of Duty (CoD) pati na rin ang Overwatch, Player Unknown Battlegrounds (PUBG) at ang Fortnite: Battle Royale?

Simple lamang ang idinahilan ng mga opisyal ng SEA Games Fede­ration na tulad sa inihayag ng Internatio­nal Olympic Committee, na kung nais ng eSports na makasama sa nga kinikilalang sports, dapat nitong sundin ang mga polisiya at pinahaha­lagahang alituntunin sa mga torneo.

Pangunahin sa prose­so na ang isang laro ay hindi dapat nagpapamalas ng sugal, matinding uri ng karahasan, at marahas na labanan o mga laro na nagdudulot ng maigting na reaksiyon sa pag-uugali ng isang manlalaro o atleta.

Kaya naman agad na naisantabi ang CS:GO, CoD, Overwatch, at PUBG dahil sa halos tulad nitong pagpapakita ng mga bayolenteng labanan at pagsasalpukan ng mga grupo.

Isa pa na hindi naisali ang isa sa popular sa buong mundo na League of Legends (LoL) sa anim na laro na hinati sa dalawa sa PC, dalawa sa console at dalawa din sa mobile.

Dahil halos magkapareha ng laro ang LoL at Dota 2, mas pinili ang huli bukod pa sa mas popular ito sa rehiyon maliban sa madalas magtagum­pay ang host na bansa.